Total Pageviews

Thursday, April 14, 2011

Makinang

Kaos
Produksyon: Resorts World Manila
Direksyon: Sviatlana Burkun
Libretto: Walang kredito
Musika: Walang kredito
Mga Nagsiganap: Gian Magdangal, Martha Joy, Joel Trinidad, atbp.

ISTORYA

Uunahan ko na na katiting lang ang partisipasyon ng istorya sa buong pagtatanghal. Ang bentahe talaga nito ay mga circus act. Ganoon pa man, ang musical na bahagi ay tumalakay sa paghahanap ng prinsipe (Gian Magdangal) sa kanyang pangarap na babae (Martha Joy) mula sa kanyang kasalukuyan hanggang sa makabagong panahon. Hindi lahat naging madali sa pangingialam ng kanyang Tagapayo (Joel Trinidad).

VEGAS

Ganito ang takbo ng produksyon: merong pagkukwento (o kantahan) sa umpisa (sa tulong na rin ng subtitle sa dalawang video wall sa tagiliran) at susundan ito ng circus act, babalik sa kuwento (o kantahan) at susundan muli ng isang acrobat. Ito ang ruta hanggang matapos ang dula. Sa unang tingin, puwede na talagang tanggalin ang musical part. Maaaring ma-enjoy ang buong extravagance kahit sunud-sunod na circus act lang. Pero naisip ko rin, bakit naman hindi.

Walang kredito ang libretto o maging ang naglapat ng musika dahil wala naman talaga itong orihinal na akda. Ang mga kanta ay sinungkit mula sa iba’t ibang musical at tinugtog nang live ng mahusay na Manila Symphony Orchestra (na litaw na litaw sa mga kredito mula sa poster maging sa website ng Resorts World). Duda ko lang naman na lahat ng piyesa ay kinuha sa ibang musical. Nakilala ko rito ang “Where is Love?” mula sa "Oliver" at isang kanta ng Queen na marahil ay hinugot naman mula sa musical na “We Will Rock You”. Kung ang buong repertoire ay hango sa ibang obra, masaya sana itong experience para sa mga musical theater buff. Para kang nasa isang guessing game at huhulaan mo kung saang dula nanggaling ang inaawit ng performer. Sa isang eksena kung saan naghahanap ang prinsipe ng kanyang mapapangasawa, isang Pilipina ang umawit ng kundiman (na kung hindi ako nagkakamali ay “Mutya ng Pasig”). Dahil walang kredito, hindi ko nasiguro kung s’ya rin ang napanood ko sa “Basilia ng Malolos” ng DUP noong 2007.

Ang serye ng circus act ay halo-halong sahog ng acrobat mula sa ibang bansa kamukha ng Spain at China na marahil ay nakita na natin sa ibang pagtatanghal na madalas gawin sa Araneta Coliseum tuwing Christmas season. Wala namang bago talaga pero masarap ulit maging bata. Ilan ito sa mga bagay na hindi yata maluluma. Marami namang hindi makakalimutan dito, partikular sa akin ang motorcycle act sa bandang dulo ng produksyon kung saan pinagkasya sa malaking bola ang limang motorsiklista. Nakakita na ako ng ganito sa old Vegas, sa isang kalye roon. Unang beses ko ring makakita ng puting leon pero nakakita na ako ng white Bengal tiger sa isang zoo sa Singapore. Ang naisip ko n’ung panahong ‘yan, sana kasama ko ang tatlo kong maliliit na pamangkin. Pihadong kasabay ko silang nag-enjoy.

Sumasang-ayon naman ako sa promotional stint na “Broadway meets Vegas” ang produksyon. Maging ang entablado ay nag-uumapaw sa state-of-the-art set na bihirang bihira, kung hindi man wala pa talaga, nating makita sa Philippine theater scene. Magara ang costume, higante ang mga video wall sa likod (na kamukha ng nakikita natin sa “ASAP” tuwing Linggo) at marami pang ibang visual spectacle. Bonus na lang na nandoon din ang Philippine All-Star. “Reprezent!”, sabi nga.

KONKLUSYON

Wala akong makitang argumento na purong pampamilya nga ang pagtatanghal. Mas nais nitong abutin ang mga bata (o nagpapanggap na bata) at itinimpla na lang na atraksyon ang musical para sa karagdagang audience. Ito na siguro ang pinakagandang halimbawa ng popcorn play (kung meron mang ganitong term). Mas mainam na gumastos ng pera para sa dulang ito ng walang bahid ng mataas na expectation pagdating sa storytelling. Mas mainam din na isama ang mga bata kung hindi man kayang bitbitin ang pusong bata.

Tuesday, April 12, 2011

Humihinga pa ang Mangangatay


Screen: Macbeth
Produksyon: The Department of English & Comparative Literature (UP Diliman) at World Theater Project
Direksyon: Anton Juan
Mandudula: Judy Ick (halaw mula sa dula ni William Shakespeare)
Mga Nagsiganap: Teroy Guzman, Judy Ick, Ron Capinding, Ricardo Abad, Romnick Sarmenta, atbp.

ISTORYA

Bumalik si Macbeth (Teroy Guzman) sa kanyang asawang si Lady Macbeth (Judy Ick) matapos ang isang matagumpay na giyera. Baon nito ang mga propesiya ng tatlong bruha tungkol sa kanyang paghahari mula sa pagiging Thane of Glamis. Ang mga balakid sa daan ay magkabrasong nilandas ng mag-asawa upang maisakatuparan ang inaasam-asam na kapangyarihan, buhay at kamatayan man ang kapalit.

GLORYA

Hindi ko na tatalakayin si Shakespeare dito dahil hindi naman kami sangang-dikit. Wala sa hinagap ko ang gumawa ng mabusising pangungumpisal sa kanyang mga ginawa o ipangalandakan kung nabigyan ba ng karampatang panukat ang adaptation ni Judy Ick sa orihinal na akda. At baka hindi ko rin ito mapanindigan. May ilang Macbeth na rin akong napanood (sine o maging dula rin) at wala akong panahong alalahanin ang bawat eksena rito at ihanay sa tabi ng bagong pagsasadula. Sumugod ako sa UP kahit gabi ang screening (extension na lang ito mula sa unang run) dahil sa credential ng mga tao sa likod at harap ng produksyon: Dr. Anton Juan, mag-asawang Teroy Guzman at Judy Ick (na tila mahirap tibagin pagdating sa maalab nilang rendition ng madilim na karakter dito), Romnick Sarmenta, Ron Capinding, Ricardo Abad o maging ang mga nakilahok sa installation video kamukha nina Frances Makil-Ignacio at Eugene Domingo. Kung isusuma, sila ang mga piling-piling pambato mula sa DUP (at Tanghalang Ateneo) na huli ko yatang nasaksihan sa “Frustrations” sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater n’ung late 90’s. Hindi ako magugulat kung ang cast ng dulang ito ay mapupuri at magiging nominado sa mga darating na parangal para sa teatro.

Hubad ang teatro nang nakisabay ako sa pagpasok ng kahabaan ng pila. Ang direktor nito ang isa sa mga naghanap ng upuan para sa mga manonood (at isang karangalan para sa akin na s’ya ang nagbigay ng puwesto sa isang sulok). Tila isang bakanteng warehouse ang Media Center ng College of Mass Communication. Mataas ang kisame at ang apat na bahagi ay nilatagan ng malalaking puting kurtina para sa 360 degrees na video installation. Ang nakaangat na stage ay dalawang ramp na naka-cross sa gitna at sa mga espasyo nito nakatahan ang mga manonood. Maliban sa mga dulo ng ekis na entablado, may isa ring hagdan sa isang kanto na madalas gamitin sa paglabas-masok ng mga artista. Malayang nakakagalaw ang mga performer at mahusay ang pagkaka-optimize upang maipakita ang gubat, ang kaharian at iba pa sa kabila ng kawalan. Isa ito sa mga snagustuhan kong sahog sa pagtatanghal. Hindi napinid sa “screen” part ang bentahe at lumitaw rin nang todo ang pagiging theatrical sa tulong ng blocking at direksyon kahit na payak ang stage set ni Ohm David.

N’ung napanood ko ang “Three-Penny Opera” ni Dr. Anton Juan, lumabas ako ng teatro n’un na damang dama ang protesta nito laban sa pamunuang PGMA. Nariyan ang tirada sa pagiging National Artist ni Carlo J. Caparas at marami pang ibang nai nitong kalampagin. Halos hindi ko na nga nakilala agad kung ano (o sino) ang Bertolt Brecht sa dula. Hindi naman ganito ang naranasan ko sa “Screen: Macbeth”. Nakatutok sa pagiging Shakespeare ang pagtatanghal at walang tahasang patama sa kasakiman sa gobyerno maliban sa mga nahuhulog na sapatos mula sa langit sa isang eksena ni Lady Macbeth. Pero hindi nakatiis ang direktor. Sa panghuling pananalita, matapos ipakilala ang mga nagsiganap, binalaan n’ya ang mga manonood na hindi pa patay ang slayer at nasa kongreso pa nga ito.

KONKLUSYON

Kung babalik-balikan natin ang Macbeth at pag-aaralan ang mga motibo rito, hindi natin maiiwasang lumingon sa sarili nating political history upang makatisod ng paghahambing. May dalawang bagay na nais tumbukin: una, ang maintindihan ang giyerang kanilang pinagdaanan bago sumapit sa kasakiman at ikalawa, ang turuan tayo ng leksyon sa pagkilatis at pangungutya sa mga ganitong uri ng mga namumuno sa gobyerno. Ang pagtatanghal na ito ng “Screen: Macbeth” ay isang rarity sa kabi-kabilang produksyon na matalas ang mass appeal o pop art. Nakapagbigay ito ng silid para sa mga mag-aaral upang masaksihan ang mga dulang sa literary textbook lang mahahagilap at kaalinsabay nito ay nakapagturo rin ng totoong leksyon. Isa itong paalala na buhay pa ang mga mangangatay, humihinga at handang dumaluyong sa susunod na biktima.

Monday, April 11, 2011

Awit ng Valium

Next to Normal
Produksyon: Atlantis Productions
Direksyon: Bobby Garcia
Libretto: Brian Yorkey
Musika: Tom Kitt
Mga Nagsiganap: Menchu Lauchengco-Yulo, Jett Pangan, Jake Macapagal, Felix Rivera, Bea Garcia at Markki Stroem

ISTORYA

Isang maybahay si Diana Goodman (Menchu Lauchengco-Yulo) na unang ipinakita bilang isang mapag-arugang ina sa kanyang dalawang anak na sina Gabe (Felix Rivera) at Natalie (Bea Garcia) at isang butihing asawa kay Dan (Jett Pangan). Ang mga sumunod na pahina ng kanyang pang-araw-araw na buhay ay nagpakilala sa kanyang bipolar disorder at sa pagbisita sa papalit-palit na doktor na sina Dr. Fine at Dr. Madden (Jake Macapagal). Isa sa naging susi sa pagbukas ng pinto ng kanyang kondisyon ay ang kasintahan (Markki Stroem) ng kanyang anak na si Natalie.

SINO ANG BALIW?

Bagama’t payak ang kabuuang produksyon ng dula (walang koro, walang malalaking choreography, walang stage set na bumubukas o bumababa at iba pa), malaki ang naging impact nito sa akin. Sa katunayan, hindi rin naman ako direktang nakaka-relate sa lead character pero ang depression ni Diana ay isang bagay na lahat ng adult ay maaaring makakuha ng pagmumuni. Tumutok ang materyal sa pinagdadaanan ng isang nilalang (partikular sa isang ina na walang ibang nanais kung hindi ang mapalaki nang matino ang kanyang pamilya) at wala na itong ibang tinahak pa. Ipinakitang walang ibang hanap-buhay si Diana kung hindi ang pagiging maybahay, hindi s’ya office worker o businesswoman. Siguro, kahit na pahapyaw, ay may gustong sabihin dito ang may-akda tungkol sa trabaho bilang isang housewife, kamukha ng nanay ko at ng karamihan, na madalas nag-oopisinang mag-isa sa apat na sulok ng isang bahay.

Sa isang bahagi ng dula, ipinakita ang dilemma ng asawang si Dan sa pag-aalalaga ng asawa na may bipolar disorder. Umabot sa pagtatanong kung hanggang saan ang dapat isukli sa kanyang aruga. Mula rito ay bumalik s’ya sa sarili upang suriin na baka s’ya ay may sakit na rin na hindi n’ya namamalayan. Isa itong kritikal na bahagi para sa akin upang ibalik ang tanong na ginamit ni Dan. Baka hindi ako normal. O, baka mas normal ang iba kesa sa akin. Baka mas normal ang iba sa akin na sa tingin ko ay abnormal. Sa dulo, katulad ni Diana, iisa lang din ang gusto kong maratnan, ang maging next to normal kahit papaano.

Kamukha ng nabanggit ko na payak ang produksyon pagdating sa stage set, hindi naman ibig sabihin na bumigay si Lex Marcos sa challenge na ito. Simple nga ang kanyang imahinasyon pero may isang piraso rito na matatas ang significance at hindi ko makakalimutan. Ito ay ‘yung isang pinto sa itaas na bahagi sa kaliwa na bumubukas at sumasara pero walang hagdan na nakikita ng audience. Parang wala itong pupuntahan. Madalas itong gamitin ng performer kapag merong gustong sabihin ang kanyang iniisip. Siniguro ko talaga (sa tulong ng Google) na hindi ito kinopya sa Broadway counterpart nito dahil para sa akin, isang gintong ambag ito sa kaganapan ng dula.

May kakaibang expectation ang isang produksyon kapag ang isang lead role ay ibinigay kay Menchu Lauchengco-Yulo (“Sweeney Todd”, “Kiss of the Spider Woman”, etc.). Kung hindi emotionally stressful ang character, mas malamang kesa hindi na kumplikado ang mga awit na kasali rito. Ang kanyang responsibilidad bilang Diana, ang malapatan ito ng sapat na conviction sa parehong aspeto bilang aktres at singer, ay isang malaking dahilan upang maging excited ako sa proyektong ito ng Atlantis (maliban siyempre sa pedigree ng dula: Tony Awards, Pulitzer). At hindi nilipad ng hangin ang aking excitement. Ang kanyang Diana ay cool na cool sa umpisa na dumudulay sa dahan-dahang pagkadurog sa gitna hanggang sa dulo. Nakadagdag siguro ang pagiging ina n’ya sa totoong buhay at ito na siguro ang pinakamalapit sa reyalidad na kanyang ginampanan (dalawa ang kanyang anak, isang babae at isang lalake, parehong teenager). Ibang usapan na pagdating sa paninimbang sa belting ng ilang notes at ang character singing na idine-demand mula sa kanya. Hindi ko matandaan kung kelan ako huling nakarinig ng pagbirit na banayad pa rin sa tenga.

Ito na siguro ang pinaka-audience friendly na dula mula sa Atlantis. Napansin ko lang na marami itong puwedeng maabot. Ang take ay maaaring nanonood lang ng isang melodrama o soap opera, habang sinusubaybayan natin pagtawid ni Diana sa bipolar disorder. Ang ilang awit at pathos sa dulo ay isang malaking boksing sa pagpipigil umiyak (sino ba rito ang walang nanay?). Puwede rin namang bilang theater spectacle dahil ilan sa mahuhusay sa industriya ay nandito: Jett Pangan (walang pagdadalawang-isip na mahirap pantayan ang kanyang presence bilang aktor at bilang singer), Felix Rivera (na pinatawa at pinahanga tayo bilang komikero sa “Avenue Q”), Bea Garcia (na ilan sa atin ay matatandaan ang kanyang contribution sa “Faculty” ni Jerrold Tarog), Jake Macapagal (nami-miss na yata s’ya ng indie filmmaking) at ang baguhang si Markki Stroem (hindi nagkamali ang “Pilipinas Got Talent” para sa kanya, sa tingin ko). Puwede rin namang ma-appreciate maging ng mga manonood na wala sa mga nabanggit.

KONKLUSYON

Tagumpay ang local staging na ito ng Atlantis Productions. Para sa akin, isa ito sa pinakamagandang nagawa nila mula nang nag-umpisa silang buhayin sa Pilipinas ang ilang produksyong sa Broadway lang maaaring masaksihan. Hindi man kasing posh ng orihinal na pagtatanghal, kahit papaano ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy upang magamit ang dula bilang isang kapani-kapaniwalang reference. Ibang iba ito sa na-Google lang o nabasa lang sa libro. Ang “Next to Normal” ni Bobby Garcia ay kuminang sa maraming paraan at sa maraming beses. Nilampasan nito ang vision ng Atlantis na makapag-stage ng imported na dula. Nakuha nito ang puso ng mga manonood. Nalinlang nito kahit pansamantala na ang buhay ay isang dula o vice versa. Naitanong nito nang buo kung ano ang normal at kung ano ang abnormal. Hindi man ito nagbigay ng tahasang sagot, nakapagbahagi naman ito ng ilang rason na magbubunsod sa ating tuluyang pagkilala sa sarili.

Tuesday, April 05, 2011

Mahabang Proseso

The 39 Steps
Produksyon: Repertory Philippines
Direksyon: Ana Abad Santos
Mandudula: Patrick Barlow (halaw mula sa nobela ni John Buchan at pelikula ni Alfred Hitchcock)
Mga Nagsiganap: Michael Williams, Liza Infante-Robinson, Juliene Mendoza at Rem Zamora

ISTORYA

Tungkol sa adventure ni Richard Hannay (Michael Williams) matapos n’yang masangkot sa isang hindi maipaliwanag na krimen. Mula sa kanyang apartment sa London hanggang Scotland , hinarap ni Richard ang misteryo na nakatago sa likod isang sindikato. Samu’t saring karakter ang kanyang nakasalubong sa daan (na pinagpalit-palitang ginampanan nina Liza Infante-Robinson, Juliene Mendoza at Rem Zamora).

HITCHCOCKY

Uunahan ko na: hindi ko nagustuhan ang dula. Ang pangunahing timpla ng dula, ang pagpapalit ng mga karakter sa napakabilis na blocking, ay hindi na bago. Nagawa na ito ng ilang materyal kamukha ng “The Mystery of Irma Vep”. At dahil hindi na bago, umasa akong may makikita man lang sanang kakaiba sa produksyon. Wala akong natagpuan kung hindi ang kuryosidad na mapanood ang film version nito sa lalong madaling panahon.

Hubad halos ang entablado. Ang dalawang tore sa magkabilang bahagi, na s’yang nagsilbing permanenteng props, ay nagamit lamang sa dalawa o tatlong eksena. Lahat ay papasok-lalabas ayon na rin sa hinihinging gag ng kuwento (eksena sa train, sa isang hotel, sa isang bahat at iba pa). Masaya ito sa ilang pagkakataon pero dumating ang punto na nakakasawa na at nakakabagot.

Ang bentahe ng dula ay ang pagpapalit-palit ng karakter ng mula sa tatlong aktor dito (si Michael Williams ay Richard Hannay lang mula umpisa hanggang matapos). Pinanindigan naman ng mga nagsiganap ang challenge na nakaatang sa kanila at nagtanghal sila nang sakto lang sa inaasahan. Dahil matagal kong hindi napanood sa isang dula si Liza Infante-Robinson, para sa akin, nangibabaw s’ya. Masayang masaksihan ang kanyang pagbabalik-entablado kahit sa limitadong panahon lang.

Hitchcocky ang ipinangako ni Ana Abad Santos. Nasabi n’ya sa program na ang bawat eksena ay magpapaalala sa atin ng mga ginawa ni Alfred Hitchcock. May pagka-“Psycho” ang isang eksena sa hotel samantalang literal na naglagay ng ibon sa bintana sa isang apartment upang maalala natin ang “Birds”. Maraming nagawang pelikula si Hitchcock (sa imdb, merong 67 na titulo, kasama na ang ilang telemovie) at hindi ko pa lahat napapanood kaya siguro hindi ako masyadong nasiyahan.

KONKLUSYON

Para sa ganitong estilo ng pagsasadula, simple at nakasalalay sa husay at wit ng mga aktor, mas nanaisin kong mapanood sa mas intimate na venue (na huli kong naramdaman sa staging ng “Tatlong Maria” ng TP). Kumbaga, masyadong magarbo at malaki ang Greenbelt Onstage para sa kapayakan ng dula. Sa mas maliit na venue, kung saan mas engaged ang manonood, mas mabibigyan ng tutok ang husay ng mga nagsiganap kahit na mukha itong isang mahabang proseso.

Saturday, April 02, 2011

Ripit Perpormans!

Hindi ako masyadong mahilig umulit ng film o play pero hindi ko yata mapapalampas ang pagkakataon na mapanood muli ang mga dula sa ibaba. Sa kaso ng “Amphitryon”, nagustuhan ko talaga ito nang unang ipinalabas n’ung panahon ng Ondoy. Kokonti ang nakanood at may pagkakataong nakansela ang pagtatanghal. Ang “Orosman at Zafira” naman ay malaki rin ang iniukit sa akin pagdating sa pagpapakilala ng orihinal na Pinoy musical. Naging kapanapanabik na lumipat ito mula sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater papuntang Centerstage sa SM Mall of Asia. Isang malaking hamon kung anu-ano ang mga karagdagang gilas ang puwede nitong isampay. Ang “Zsazsa Zaturnnah, Ze Muzikal” naman, tila hindi tinutuyuan ng sumusuporta. Heto at sa huling minuto ay binuhay ulit ng TP ang kanyang kapa na pumalit sa “My Brother, My Executioner” sana ni F. Sionil Jose (na nagkaroon yata ng problema sa ilang dokumento).

Pero ano ba’ng bago?

AMPHITRYON (DUP, February 2011). Ganitong ganito ang staging na napanood ko n’ung September ng 2008. Si Neil Ryan Sese pa rin ang nasa title role subalit si Diana Malahay na ang napanood ko (hindi na si Gilleth Sandico). Kung meron man akong napansin na bago (o baka nand’un na rin dati pa pero hindi ko lang napansin), mas interactive lalo ang dula. Mas kinakausap na ang mga manonood at mas napapasagot naman sila. Entertaining. ‘Yan ang kabuuan. Entertaining na literary piece. Nangingiliti pero alam mong naka-peg ito sa ilang reference na maaari rin nating makita sa mga textbooks. Ganitong ganito pa rin ang tinahak ng dula. At sino naman ang hindi makakalimot sa mga huling minuto nito, kung saan ang kaganapan ng mga pangyayari ay hinipan ng isang engkantadong hangin? Salamat sa napakagandang set ni Lex Marcos.

OROSMAN AT ZAFIRA (DUP, February 2011). Pinanood ko sa ikalawang pagkakataon ang dula dahil para sa akin, isa ito sa pinaimportanteng Pinoy musical noong 2010. Mga ganitong song selection ang masarap ulit-ulitin sa MP3 player habang inaalala ang choreography rito. Sa restaging, pinili ng producer na gawin ito sa mas malaking venue, (marahil na rin siguro sa demand ng unang nakanood n’ung nakaraang taon). Nand’un pa rin ang original na aura ng stage pero mas nakakahinga na ang mga performer. Hindi ko matandaan kung merong karagdagang piyesa pero wala halos hindi mo mapansin ang update sa blocking (kung meron man). Mahusay pa rin ang cast. Mahusay pa ring marinig nang live ang kanilang world music. Nakakadismaya lang na hindi ito masyadong pinanood (gala ‘yung ticket ko, ewan lang sa matinee na mas pang-estudyante ang rate). Sa ikalawang pagkakataon, hindi ito nahubaran ng reputasyon.

ZSAZSA ZATURNNAH, ZE MUZIKAL (TP, February 2011). To the rescue na naman ang musical na ito ni Vincent de Jesus na halaw sa pamosong graphic novel. Kamukha ng pagsalba dati sa hindi pagkakatuloy ng “Oro, Plata, Mata, the Rock Opera”, heto at muli na namang binuhay ang mabentang musical. Katulad ng inaasahan, may ilang add-on. Bago ang set sa tulong ni Gino Gonzales. Mas sleek ito at mas mukhang stagey, hindi kamukha ng dati na sinadyang magmukha itong kabaret dahil na rin sa liit ng venue n’un. Nand’un pa rin ang pole sa kaliwang bahagi at nasa kanan pa rin ang parlor pero mas mukha na itong malaki. Mas suwabe na rin ang kulay at may ilang bahagi ng wall na bumubukas at sumasara (walang ganito dati). Bago rin ang cast, kamukha ng Didi ni Gabe Mercado, Queen Femina ni Pinky Amador at Dodong nina Rocky Salumbides at Prince Stefan (na s’yang napanood namin). OK naman si Gabe. Medyo nangangapa sa kanyang role at mas mabirit ang version ni Nar Cabico, halimbawa, pero naka-deliver s’ya. Si Prince Stefan ay maraming handicap. Halata ang kanyang regional accent dito pero puwede namang palampasin dahil probinsya ang setting. Hindi rin yata masyadong nabantanyan ang kanyang singing. Maraming pagkakataon na kinakabahan ako na maaari s’yang mabasag o tuluyang mawala sa tono. Ang kanyang alas ay ang akting na hindi man kataas ang brilyo ay hindi na masama para sa isang baguhan. Si Pinky Amador ay halatang nag-enjoy sa kanyang mga ginawa. Malaking bagay na masaksihan s’ya sa entablado kung saan s’ya nagsimula. Sa kung ikailang ulit ng pagtatanghal ng dula, pinatunayan nitong muli ang dahilan kung bakit parati itong isinasadula.

Sunday, March 13, 2011

‘Sandosenang Griyego

Hercules 12
Produksyon: Young Artists Foundation
Libretto at Direksyon: George de Jesus III
Musika: Jeff Hernandez
Mga Nagsiganap: Geoff Taylor, Anna Luna, atbp.

ISTORYA

Isang retelling ng Greek mythology ang musical. Tungkol ito sa pakikipagsapalaran ni Hercules (Geoff Taylor) sa 12 na pagsubok na ibinigay sa kanya ng mga diyos upang maibalik ang kanyang pinatay na asawang si Megara (Anna Luna).

EKSPERIMENTAL

Kapag merong isang bagay na kakaiba, sinasabi natin ang katagang “It’s Greek to me.” Batay sa description ng dula na “an emo musicale”, ganito ang nais tahakin ng proyekto. Ninanais nitong maglatag ng isang bagong porma ng musikal na hindi pa masyadong pamilyar ang mga manonood. Kung tutuusin, isa itong magandang suhestiyon upang magkaroon naman ng bagong liwanag ang mga nakasanayan na natin. Pero hanggang saan nakarating ang eksperimento?

Ang pagkakaalam natin sa salitang “emo” o pinaiksing “emotional” ay tungkol sa isang genre, partikular sa music, mula sa mapapait na tema ng pag-ibig at kasawiang dulot nito. Siguro, ito ‘yung mga angsty rock music ni Alanis Morissette dati, binigyan lang ng mas makabagong kulay o hugis para sa mga kabataan. Sa ganitong argumento, nai-deliver naman ng mga awit sa dula ang klase ng tunog at tema. Dahil ang buong itinakbo ng dula ay tungkol sa pagnanais ni Hercules na bumalik sa pagkabuhay si Megara, pumasok ito sa bitag tungkol sa mga emo na nais makipagbalikan sa kanilang kasintahan o mangingibig. Nakatulong din ang paminsan-minsang pag-project ng mga lyrics sa screen na para sa akin ay climax ng pagiging kuwalipikado sa genre na nais tawirin.

Pero may isa pa akong nakita sa eksperimento. Kung ang emo music ay kadalasang nakabiwas sa kabataan, isa ring marketing strategy ito upang madaling maabot sila sa pagkukuwento ng Greek mythology. Sa iksi ng attention span ng mga teenager ngayon, malaking ambag ang makahabi ng isang literary piece sa medium na hindi masakit sa tenga para sa kanila. Bagama’t hindi ito isang kumplikadong retelling kamukha ng ibang kuwento (Greek man o hindi), sigurado akong makakarating naman sa kinauukulan ang vision ng pagsasadula. Nakatulong pa rito ang feel ng dula na para lang nagdaraos ng isang gig sa isang bar na tambayan ng mga kabataan.

Sa preview staging na napanood ko, walang masyadong detalye tungkol sa production staff. Gusto ko mang banggitin ang ilang papuri, halimbawa sa goth feel ng mga costume at iba pa, wala akong pangalang nakuha. Ang dahilan ng isang usherette doon ay sa darating na lang daw na pagtatanghal sa July ihahanda ang lahat. Ang sigurado lang ako sa kredito ay ang bidang si Hercules na, para sa isang baguhan, ay nalampasan naman ni Geoff Taylor nang maayos. Halata pa minsan ang kanyang paninibago sa entablado pero pagdating sa kantahan at inaasayang pagka-emo ay naihatid naman n’ya. May kakaibang presence din ang kanyang kaparehang si Anna Luna subalit kokonti lang ang kanyang eksena. Sa dulo, si George de Jesus ang dapat bigyan ng nararapat na papuri rito. Ang kanyang kawalan ng pagsuko na makapag-anak ng isang konsepto upang makarating sa nakakalimot na audience ay hindi matatawaran. Sana magkaroon pa tayo ng mga ganitong deconstruction effort upang mas marami ang madatnan ng ganitong klase ng panitikan.

KONKLUSYON

Naglalaro sa pagiging musical at pagiging rock gig ang dula. Mas mainam sigurong mapanood ito sa isang maliit na bar, halimbawa, sa Quezon City, upang mas mabuo ang konseptong inilatag. Nand’un pa rin ang inaasahan mula sa Greek myth pero mas masaya sigurong panoorin ito kapiling ng isang malamig na bote ng San Miguel beer. Hindi man natin kailangang sagupain ang ilang halimaw sa 12 na pagsubok ni Hercules pero minsan, sa isang bahagi ng ating buhay, ay may ganito na tayong bundok na pinagdaanan upang maitulay ang puso sa patuloy na pagtibok nito.

Sunday, March 06, 2011

Si Ninoy Bilang Tubig sa Tsokolate


Ang larawan ay kinuha mula rito.

Ako si Ninoy
Produksyon: Philippine Stagers Foundation at Benigno S. Aquino Jr. Foundation
Direksyon at Libretto: Vincent Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Vincent Tañada, Cindy Liper, Jordan Ladra, Kierwin Larena, Glory Ann Nacional, Patrick Libao, Alex Dorola, atbp.

ISTORYA

Ikinuwento ang highlight ng buhay ni Ninoy (Vincent Tañada) sa koneksyon ng bayani sa mga pangkaraniwang mamamayan. Si Noli (Jordan Ladra) na isang OFW ay naging ama kasabay ng birthday ni Ninoy. Maging ang kanyang pagkakalayo sa pamilya ay ikinumpara sa pagkakalayo nina Ninoy at Cory (Cindy Liper). Ang ilan pang karakter na nagkaroon ng pagkakadugtong ay ang matinee idol na si Yosef (Kierwin Larena), ang manggagawang si Andeng (Glory Ann Nacional), ang reporter na si Oscar (Patrick Libao), ang aktibistang si Quentin (Alex Dorola) at marami pang iba.

POP ART

Pangatlong produksyon ko nang napanood ito mula sa PSF. Graduate na ako sa pagtalakay kung ano ang target audience ng produksyon dahil kung ano ang mga napanood ko sa unang dalawang dula (“Enzo Santo” at “4C”), gan’un din ang primerong sangkap dito. At sa ganitong aspeto ay selyado na ang vision ng PSF.

Ang napansin kong kakaiba, mas literary ang take ng pagkukuwento kumpara sa ibang supling ng foundation. ‘Yung paggamit ng pangkaraniwang mamamayan upang umangat ang pagkabayani ng isang bayani, hindi na ito masyadong bago. Meron nang gumawa ng ganito, maging sa TV o pelikula man. Ang naging karagdagang sahog, na isang magandang devise, ay ang pagkakadugtong ng mga karakter. Halimbawa, ang rallyista na si Andeng ay biyenan pala ni Noli, ang artistang si Yosef ay naging kasintahan ng inabusong estudyante na ipinagtanggol naman ng isang guro laban sa isang principal na suot ang iconic na Filipiniana ni Imelda at marami pang iba. Dahil sa pagtatahi ng mga karakter, naging simbolo ito ng isang komunidad, isang bayan na nagsilbing diorama para sa isang bansa. Sa perspektibo ng mga pangkaraniwang mamayan, walang nabanggit na presensya ni Ninoy. Ipinakita na ang kabayanihan ay inherent sa kanila at hindi nila ginagawa ang inaasahan mula sa kanila dahil kay Ninoy o dahil sa ibang bayani. Dulot ng iba’t ibang representasyon ng bawat sektor (ang middle class na doctor at ang guerilla sa US, ang upper class na estudyante, ang pop icon na artista at ang lower class na rallyista at aktibista), nagmistulang isang sektor lang din ang nais katawanin ng main subject ng materyal. Nagkaroon lang ng hierarchy ang lahat nang mabaril si Ninoy na ikinadurog ng kabayanihan ng pangkaraniwang mamamayan. Sa pagdanak ng pulang ilaw, tumakbo ang batang anak ni Noli at nakisimpatiya sa pagkamatay ng isang bayani. Tulad ng isang phoenix, nabuo ang alab sa bata at naging presidente ng bansa sa isang epilogo tungkol sa isang optimistic na kinabukasan.

Naging madulas ang pagkukuwento ng kabayanihan sa tulong ng inaasahang pangako mula sa direksyon ni Vincent Tañada. Nandito pa rin ang pagbaha ng pagpapalit ng costume, ang magarbong ensemble singing at familiar tunes (isang number ay katunog ng “Right Now” ni Akon), at ang kabila-kabilang ad lib at punchline. Sa unang pagtatagpo nina Ninoy at Cory, halimbawa, maraming beses na ginawang gag ang eksena. Bagama’t wala itong ambag sa kabuuhang tema, nakatulong naman ito upang mapahid ang anumang maaaring ikabagot ng manonood na high school student.

Pagdating sa mga nagsiganap, impressive ang singing ni Vincent Tañada bilang Ninoy. Ngayon ko lang nakita ang aktor/direktor sa ganito kalawak na vocal range ng pagkanta. Ang kanyang Cory ay hindi naman nagpatalo. Gan’un din ang halos bumubuo ng cast (Kierwin Larena sa kanyang acceptance speech bilang Best Actor mula sa isang award-giving body, ang pagiging probinsyano ni Jordan Ladra at iba pa).

KONKLUSYON

Sigurado akong nakarating sa mga kinauukulan (high school students) ang nais tumbukin ng materyal. Ito ay ayon na rin sa kanilang reaksyon sa mga eksenang hinihintay silang tumawa o sa mga eksenang hinihingi ang katahimikan. Hindi man ganap na maging bayani ang lahat ng nakanood, magkaroon sana ito ng maliit na butil ng pagmamalasakit sa bayan. Dito pa lang sa aspetong ito, naluto na ng PSF ang isang bareta ng tsokolate gamit ang sangkap na tubig na si Ninoy.

Bumalik Nang Nakalutang Mula sa Buwan

Cyrano: Isang Sarsuwela
Produksyon: Dulaang ROC at Talinhaga Theater Collaborative
Direksyon, Mandudula at Libretto: Pat Valera (halaw mula sa dulang “Cyrano de Bergerac” ni Edmon Rostand)
Musika: William Elvin Manzano at Happy Days Ahead
Mga Nagsiganap: Nicco Manalo, Ava Santos, DJ Cuasay, Paul Jake Paule, atbp.

ISTORYA

Sabi nga sa titulo ng musical, isa itong sarsuwela adaptation ng literary work na “Cyrano de Bergerac”. Ginawang lokal ang setting, partikular sa panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas. Si Cyrano (Nicco Manalo), na may malaking ilong, ay isang kawal ng isang hukbo. Iniibig n’ya ang kababatang si Roxanne (Ava Santos) kasabay ng kanyang kapwa kawal na si Christian (DJ Cuasay). Dalawang lalake ang kambal na umiibig kay Roxanne. Ang isa ay matipuno at masigasig, ang isa naman ay makata mula sa buwan.

PANGAKO NG ISANG TESIS

Isang tesis ang musical. Ibig sabihin, may ilang graduating students ang sumubok sa mapangarap na proyektong ito upang makakuha ng inaasam na grado at maka-graduate. Sa kasamaang palad, walang naglipanang program sa pagsasaentablado ng dula sa GSIS Theater at hindi sila lahat mabibigyan ng kredito (maging ang kabuuhan ng mga nagsiganap). Kiinakailanang sumilip sa Google o sa Facebook upang ganap silang makilala. At mapuri.

Maraming ambisyon ang dula. Una, nais nitong bigyang-pugay ang pagiging obsolete ng mga sarsuwela sa bansa. Sa iilang sarsuwela na napanood ko, nakuha naman nito ang feel na hinihingi. Tumalakay rin ito sa pag-ibig at, base sa panahon na isinasabuhay, pangkasalukuyang tema. Maaari ring tingnan ang dula bilang isang rock opera sa tradisyon ng “Jesus Christ Superstar” o maging “Spring Awakening”. Sa dulo, maaari rin itong ibilang na isang simpleng musical.

Umuwi akong bitbit ang OST. Radio-friendly halos lahat ng mga awit mula sa Happy Days Ahead. Kumbaga, kahit wala ang context ng dula, maaaring ibenta ang CD bilang koleksyon ng mga rock song na tumalakay sa kabaliwan at pag-ibig. Sa katunayan, sa sobrang “pagkabaliw” ko sa OST ay pinapakinggan ko ito habang nagsusulat. Ang paborito ko rito ay ang “Ikaw” na isa na siguro sa mga pinakamatamis na awiting pandula na naisulat sa kasaysayan ng Pinoy musical theater. Pero ‘wag masyadong itaas ang pag-asam. Kamukha n’ung live performance, may ilan akong napansin na pangangapa sa pagkanta. Halimbawa, sa kaso ng bidang si Nicco Manalo, hindi ko masasabing kayang makipagsabayan ng kanyang boses sa mga musical actor natin ngayon. Sa ilang falsetto n’ya sa song selection, halimbawa, kinabakahan ako na kahit anong sandali ay mababasag ito.

Hindi pa rin sapat na buo ang dula pagdating sa pagtatanghal. May ilang pagkakataon na lumilitaw ang pagiging amateurish sa delivery ng ilang aktor pero madali na itong maitama pagdating ng tamang panahon. Ang mahalaga ay nakapagtanghal sila ng musical na nag-uumapaw ang pangako. Ang set design ni Ohn David, bagama’t simple at minsan ay walang context maliban sa isang bintana na hugis buwan, ay kaaya-ayang tingnan kapag binubuhusan na ng ilaw. May tendency rin na maging melodramatic sa pagbabad ng isang number sa panimula ng ikalawang bahagi. Natahi lang ito nang maayos ng direktor sa paglatag ng contrast mula sa huling frame ng unang bahagi. Si Nicco Manalo, na tingin ko ay pinaka-beterano sa lahat (pangalawa si Paul Jake Paule bilang Tato na sa ilang pagtatanghal ay ginaganapan ng mahusay na aktor na si Alchris Galura), ang nagtaas ng level sa pag-arte. Nilamon n’ya nang buo ang karakter ni Cyrano na sa bawat atake ng tikas at pagdurusa ay kanyang inangkin. Sa eksenang nakalatag na ang babaeng iniibig subalit hindi pa rin masarili dahil sa dahan-dahang pagkawala ng kanyang poesiya ay isa sa pinakamalungkot na eksena sa mga dulang napanood ko, straight play man o musical.

KONKLUSYON

Ito na yata ang definitive na sarsuwela para sa mga hopeless romantic. Si Cyrano, na itinakwil ng kanyang malaking ilong sa kabila ng pagiging makata, ay hindi ganap na tagumpay sa pag-ibig. Matapos n’yang ipinagpalit ang karanasang manatili ang kaligayahan sa buwan, pinili n’yang mabuhay. Amateurish man ang pagsasalaysay ng adventure ni Cyrano, naihatid naman nito ang kabaliwan na gustong ipahawa sa manonood. Nakakasabik na mga kanta at mahusay na pagganap ng lead karakter ay ilan lamang sa mga pangako ng tesis na ito. Hindi ako magugulat na kahit anong pagkakataon sa mga susunod na theater season ay isa na itong ganap na dula na bukas sa publiko. Sa ngayon, nanamnamin ko muna ang dula nang nakalutang sa buwan.

Friday, March 04, 2011

Mga Ina, Mga Anak

Joy Luck CLub
Produksyon: Repertory Philippines
Direksyon: Anton Juan
Mandudula: Susan Kim (halaw mula sa nobela ni Amy Tan at pelikula ni Wayne Wang)
Mga Nagsiganap: Pinky Marquez, Frances Makil Ignacio, Jay Valencia Glorioso, Rebecca Chuaunsu, Ana Abad Santos, Cris Villonco, Jenny Jamora, Lily Chu, atbp.

ISTORYA

Kung napanood mo ‘yung pelikula (hindi ko nabasa ang libro), halos ganito rin ang naratibo ng dula. Apat na ina (Pinky Marquez, Frances Makil Ignacio, Jay Valencia Glorioso at Rebecca Chuaunsu) ang kasapi ng isang maliit na club kung saan nagkikita-kita sila at naglalaro ng mah-jong. Ang kanilang buhay ay isinadula sa kanilang pinagdaanan sa pagpasok sa America mula China. Sa pagpanaw ng isa, nabuksan ang koneksyon sa pagitan ng mga ina at mga anak (Ana Abad Santos, Cris Villonco, Jenny Jamora at Lily Chu).

DUGTUNGAN

Ang una kong napansin sa staging ay ang set design ni Ohm David. May isang glaring na tulay sa likod na halatang Asian ang architecture. Wala naman itong iniambag talaga bilang tulay, maliban sa minsanang paggamit bilang structure para sa crowd, pero malaki ang naipinta nitong imahe para sa tema ng dula. Tila gustong ipamukha na ang kawalan ng linya sa pagitan ng mga ina at mga anak dahil sa magkaibang pinagdaanan ay pinagdudugtong ng tulay na ito. Ang generic na kuwadradong piyesa rin na madalas makita sa mga Rep plays ay napakinabangan sa isang eksena na ginamit bilang dining table. Ang bawat kanto ay kinasasadlakan ng isang karakter ay maaari ring representation ng apat na direksyon (Hilaga, Silangan, Timog at Kanluran) na para sa mga Chinese ay may malaking kahulugan. Napakalaki nito para maging dining table subalit nagkaroon ito ng kulay upang maipakita, bagama’t madalas maghuntahan, ang pagkakalayo ng bawat isa.

Siyempre, hindi puwedeng hindi mapansin ang direksyon ng guest director na si Anton Juan. Sa umpisa pa lang, ang mabagal na tableux sa pagdaong sa Amerika ng apat na ina ay mararamdaman mo nang hindi ito definitive Repertory Philippines play (sa katunayan, malaki ang text sa program cover na “Guest Director”). Maging ang transition ng pagkukwento mula sa nakalipas hanggang contemporary ay hinanapan ng direktor ng butas upang makapagkwento nang mas artistic at hindi nasa plato. Ang dulo, kung saan ang mga upuan sa airport ay nagsilbing piraso ng mah-jong ay isa pang indikasyon. Napakaganda ng exucution ng finale scene na ‘yun.

Ang nawala para sa akin ay ang drama ng pelikula. Parati kong hindi naalala ang “Joy Luck Club” ni Wayne Wang bilang isa sa mga nagpaiyak sa akin sa sinehan n’ung college (ewan ko, naalala ko yata ang nanay ko n’un). Maliban sa iilang rekoleksyon ng karakter ni Ana Abad Santos sa kanyang namayapang ina, wala na akong matandaan masyado sa dula na makirot panoorin (o siguro ay tumatanda na rin ako). Sa mga nagsiganap, wala namang itulak-kabigin (Ana Abad Santos, Frances Makil Ignacio, Rebecca Chuaunsu, atbp.). Siguro ay mas naging teknikal lang ang pagkaka-stage at hindi nakuha ang biwas na ginawa, halimbawa, ng “Tuesdays with Morrie” noon.

KONKLUSYON

Ang una kong nasambit sa dula ay “first good straight play for 2011”. Hindi man nito nakuha ang inaabangan kong drama at minsan ay nakakapagod na ang paulit-ulit na pagpanhik-manaog sa nakaraan, pinaghusayan naman ang kung anong natira sa stage adaptation. Matipuno ang direksyon, competent ang mga aktor at namamayagpag ang set design.

Ang Showtime ng mga OFW sa Israel


Caredivas
Produksyon: PETA
Direksyon: Maribel Legarda
Mandudula: Liza Magtoto (halaw mula sa documentary na “Paperdolls” ni Tomer Heymann)
Libretto at Musika: Vincent de Jesus
Mga Nagsiganap: Melvin Lee, Vincent de Jesus, Ricci Chan, Jason Barcial, Phil Noble, Myke Salomon, Paul Holme, Angeli Bayani, atbp.

ISTORYA

Account ng isang grupo ng limang Pilipinong bading na OFW sa war-stricken na Israel ang dula. Sina Chelsea (Melvin Lee), Shai (Vincent de Jesus), Kayla (Ricci Chan), Thalia (Jason Barcial) at Jonee (Phil Noble) ay nakikipagsapalaran bilang caregiver sa umaga at humahataw naman bilang drag queen sa gabi sa isang bar. Umikot ang musical sa kanilang pagtulay sa alambre ng pagkilala, pagtanggap at pansariling retribusyon.

KANYA-KANYANG KINANG AT PILANTIK NG EYELASHES

Noong una ay nagmistulang multiple character study ang materyal. Ipinakita ang pagkakaiba ng personalidad at biyahe ng grupo. Si Chelsea ang Miss Goody-two-shoes sa kanila samantalang si Shai naman ang pinakamapusok at mataas ang ambisyon. Si Kayla ay may sariling kahinaan sa pagiging caregiver subalit mataas ang performance level pagdating sa pagiging drag queen. Si Thalia ay may issue sa pangungupit ng gamit at si Jonee naman ay nag-uumpisa nang salubungin ang kanyang twilight. Ang lahat ng pagkakaibang ito ay ibinuhol ng unang awit ng dula habang ang kanilang inaalagaan na matanda ay mag-isang ginampanan ni Paul Holme (na malamang ay tumatak sa atin sa kanyang kamukhang portrayal sa pelikulang “Caregiver” ni Chito Roño). Highlighted ang kanilang pagiging isa sa unang awit bilang mga drag queen sa gabi.

Sa gitna, inilatag ang kanilang litanya na patuloy na sumusubok sa kanilang pagkatao. Si Chelsea ay nakatagpo ng illegal alien na nagpatibok sa kanyang puso (at sumubok sa kanyang pagiging prim and proper). Si Kayla ay nabilanggo dahil sa pagiging TNT at si Shai ay madalas dalawin ng alaala ng kanyang ina na nagsilbing skeleton mula sa kanyang sariling aparador. Dito na sa bahaging ito binigyan ng mandudula ng parallel ang mga karakter at ang mga manonood.

Ang dulo naman ang nagbigay ng ilang katotohanan tungkol sa kanilang pagiging OFW. Minsan ay kailangan nating magsugal ng buhay sa gitna ng sigalot na hindi naman natin talaga giyera. Isa na ritong pagpapatunay ang mga Pinoy sa Libya na hanggang ngayon ay wala tayong kasiguraduhan kung makakauwi nang ligtas. May mga isyu rin ng pagtanggap, partikular sa isang chunk ng kuwento na nangarap silang maging bahagi ng pinakaglamorosong bar sa lugar. Ang maganda sa puntong ito ay hindi tahasang ginamit ang homosexuality o ang pagiging Pinoy sa pagkawala ng pag-asang makarampa sa mas malaking stage. Sinuguro lang ng mandudula na ang layer tungkol sa sexuality at pagiging third world ay nariyan upang magkaroon ng karagdagang kapal at kulimlim ang materyal.

Napanood ko ang “Paperdolls” na documentary noon. Kung hindi ako nagkakamali, isang Israeli ang filmmaker nito. May isang eksena roon na nagtangka s’yang i-make over ng mga totoong Pinoy “care divas” (kung saan hinango ang kuwento). Inayos ang kanyang kilay, pinakapal ang eyelash at nilagyan ng makapal na make up. Iyon para sa akin ang core na gustong talakayin ng docu mula sa perspektibo ng isang outsider (hindi bading, hindi Pinoy at hindi caregiver). May kamukha itong eksena sa dula kung saan sinubukang ayusan ni Chelsea ang kanyang mangingibig upang maitago sa mga pulis. Mas maganda sana kung nagkaroon ito ng mas matimbang na impact kamukha ng ginawa sa pelikula.

Sa mga dulang inartehan ni Melvin Lee, ito yata ang pinaka-stand out sa akin. Nakuha n’ya nang tama sa timpla, hindi nangingibabaw at hindi rin nagpapasapaw, ang dine-demand ng karakter. Si Vincent de Jesus, para sa akin, sa dulang ito, ay mas litaw bilang aktor kesa pagiging musikero (na magaling din naman, base sa mga awit pandula na kanyang inihabi rito). Hindi rin ako umuwing bigo sa presensya ni Ricci Chan na para sa akin ay pinakamahusay na gumanap na Angel sa local staging ng “Rent”. May mga awit na kailangan ng kanyang vocal prowess at may mga eksenang nangangailangan din ng kanyang sensibilidad sa pagganap.

Kung meron pa man akong nais idagdag, ito na siguro ‘yung kapuna-punang bumaha ng ad lib ang dula. Minsan, ang feel ay parang nasa comedy bar (o nasa “Showtime” ni Vice Ganda) pero nakatulong naman ito sa linya ng dark comedy. Dito pa lang ay sulit na ang aking ibinayad upang makatawa nang malakas, tumahimik kung kinakailangan at makinig nang bukas ang loob sa bawat agony na binalutan ng malutong na punchline.

KONKLUSYON

Kailangang panoorin ng nakararami ang dulang ito. Sa layer ng social relevance, bagama’t trite na minsan, marami pa ring nais sundutin ang materyal. Hindi na kailangang ulit-ulitan pa, at alam na naman natin, na nasa ganitong patintero ang mga care divas dahil sa kawalan ng opurtunidad sa bansa. At ang prusisyon ay hahaba pa mula rito: edukasyon, kahirapan, korupsyon. Sa layer naman bilang isang entertaining piece, marami ring puwedeng landasin: drag show, biritan, pag-ibig sa sarili at iba pang tagisan at laglagan ng wit. Muli at muli, hindi binigo ng PETA ang kanyang mga manonood sa pagiging “educational” at pagbibigay-aliw.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...