Total Pageviews

Sunday, January 17, 2016

Ilang Tala sa mga Paborito Kong Short Film sa 2015


Paborito kong excuse ang “maling audience” kapag nanonood ako ng mga experimental film sa Pinas. Gusto ko ang mga pelikulang pinapag-isip ako pero hesitant ako kapag sobra-sobra naman akong pinapag-isip. Ganyan din ang barometro ko sa short film. Tingin ko, ang challenge eh makapagkwento sa pinakamaiksing panahon at maihatid ito na kasing solid ng isang feature length. Kaya hindi ako masyadong nahuhulog sa mga short film na masyadong abstract (o, siguro meron din dapat na kategoryang experimental para sa short film). Pakiramdam ko minsan, katamaran ito sa naratibo o sa pagsusulat ng script.


Heto ang sampung nagustuhan ko sa 2015:


1. Sanctissima (Kenneth Dagatan). Una akong nakuha nito nang dalawang beses pinalakpakan sa loob ng CCP Main Theater. Merong magic ang short film na ito upang makuha ang manonood. Siguro ay nakita rin nila ang nakita kong attention sa detalye ng pelikula. Masinop ang production design at naikalat ang terror sa limitadong running time nito.


2. Lisyun Qng Geografia (Petersen Vargas). Mahirap i-contest ang isang pelikula kapag masyado itong personal lalo na’t lahat ay dumaan sa unang heartbreak. Sa kaso ng short film, dumating ito nang maaga pero matagal na pinasan at ininda. Ang geography lessons sa title, most likely, ay ang lesson sa kabiguan na kailanman ay hindi matututunan. Memorable din ang performance ng dalawang lead dito na sina Earl Policarpio at Ross Pesigan.


3. Pusong Bato (Martika Escobar). Stylish ang short film pero inalagaan naman nito ang naratibo tungkol sa isang babaeng nangungulila at piniling magpatali sa kanyang nakaraan. Bravura ang art direction at sa buong pelikula ay ramdam ko ang retro na gusto nitong i-evoke. Parang pinapa-throwback din ang audience.


4. Wawa (Angelie Mae Macalanda). Vocal ako na hindi ko gusto ang short film na ito matapos mapanood. Kinakailangan lang namnamin kung ano ang gusto nitong tumbukin at iparanas para tuluyang ma-appreciate. Proseso ng pagdadalamhati ang core. Tungkol ito sa anak na namatayan ng ama. Ang facade n’ya ay emotionless kahit na ang katawan n’ya mismo ang bumigay (nakitang hinimatay ang bata sa isang bahagi). Saksi ang Wawa Dam sa bawat hakbang kabilang ang ilog na s’yang simbolo ng buhay.


5. Cold Sand (Noah del Rosario). Ang puso ng short film ay isang pagbasa ng liham mula sa iniwang anak na babae sa Germany para sa kanyang ama na nagkaroon ng bagong pamilya sa Pilipinas. Kung tutuusin, simplistic ang materyal na sinahugan ng mga imahe ng nature, ng paruparo, ng pag-apak sa buhangin at ng pag-alon ng dagat sa naapakang bahagi ng buhagin. Pero hindi ito nanahan dito. Marami s’yang gustong sabihin sa issue ng communication (snail mail versus email na argumento sa miscommunication), sa interracial family, sa sikolohikal na aspeto ng divorce at sa human nature.


6. Operation Prutas (Ara Chawdhury). May ilan na rin akong napanood na short film na isinali sa maliit na film festival para sa Sinulog. Kadalasan na kumbensyonal ito na tumatalakay sa himala ng “Señor” sa storytelling na melodramatic ang approach. Witty ang “Operation Prutas” na tungkol sa mag-asawang nais nakawin ang poon at pagkakitaan (hindi ko alam kung may statement ito tungkol sa kakarampot na proteksyon ang inilalaan para sa ating heritage). Kumbaga, nakalawa sa molde ang pelikula pero na-disect naman nito ang spirituality na gustong iangat.


7. Anatomiya ng Pag-ibig: Ding (Jewels Sison). Payak lang din ang tagpo sa short film na ito na kasali sa isang koleksyon mula sa iba’t ibang filmmaker. Tungkol ito sa dalawang magkasintahan na nagkita muli. Panibagong pagtingin ito sa nag-uumpugang tulak ng bibig at kabig ng dibdib at minsan, ayon sa pelikula, walang gustong sumuko at magpakita ng pagkatalo.


8. Reyna Christina (Pia Dimagiba). Isa sa mga paborito kong tema sa pelikula ang coming of age o ‘yong specific na trigger situation ng maturity ng isang bata. Naka-focus ang dilemma ng short film tungkol sa isang batang babae na nakatakdang maging sagala, isang visual na pagsasalarawan ng pagiging ganap nitong dalagita. Tingin ko, nakuha ng pelikula ang essential na pagbukas ng pakpak ng isang teenager at paglipad nito sa piling ng mga magulang.


9. Lapis (Maricel Cariaga). Medyo palasak na ‘yong statement nito tungkol sa nawawalang era ng hand-drawn animation kontra sa mga bagay na isinusubo sa atin ng technology. Malungkot ang tone tungkol sa decay at hindi nito binigyan ng pagkakataon ang computer graphics bilang isang alternatibo. Sa kabila n’yan, kahit na nagamit na, malungkot ang huling imahe nito na ang pintor (Soliman Cruz) ay tila nagtatanong kung barya na lang ba ang kanyang halaga.


10. Momento (Jan-Kyle Nieva). Wala na rin namang bagong ipinakita ang short film na ito sa Chavacano tungkol sa stand nito kung meron nga bang forever o wala. May mga bagay lang talaga na kahit paulit-ulit na ay masakit pa ring maulinigan. Ang matandang babae rito ay ayaw kumawala sa katotohanan na s’ya ay nag-iisa na. Bahagi ng kanyang denial ang malungkot na pagtabi sa kanyang asawa. Naalala kong bigla ang isang may-ari ng punerarya sa bayan namin nang mamatayan ito ng anak. Hindi n’ya muna ito ipinaembalsamo at pinalipas muna ang gabi na kasiping ang anak.

Saturday, January 09, 2016

Repleksyon sa Sampung Pelikula sa 2015 at ang Obligasyon na Gumalaw ang Blog Kahit Tinamaan ng Katamaran


Late na (mga October o November) nang tanggapin ko ang katotohanan na malamlam ang ganap sa Philippine Cinema ngayong 2015. Puwede rin namang aktibo talaga ito pero baka ako ang malamlam ang pagtanggap dito. Siguro, mas magaslaw lang ang mga pet peeve ko sa film appreciation ngayong taon kesa noong mga nakaraan. At nakakalungkot ang realization na ilan sa mga ito mismo ang future ng pelikula sa bansa.

Ang gusto ko talagang sabihin, sana may sindi ang 2016. Maikyat sana ng isa pang baytang ang diskurso pagdating sa pelikula. Nailatag na ng social media ang platform eh. Kailangan na lang talagang mas maging open-minded (clap, clap, clap, suntok sa hangin paitaas, “yes, powerful!”) sa pagsalo ng mga birada kung bakit nagustuhan o hindi nagustuhan ang isang pelikula. Tama na ‘yong pagiging dismissive. Tama na rin ‘yong mga pa-bitch na galawan. Kokonti lang ang mga film critic na may karapatang gumawa n’yan at ibigay na natin sa kanila ‘yan.

Personally, nakadagdag siguro ng lamlam na walang feature length sa Cinemalaya ngayong taon. Hindi naman sa sinasanto ko ‘yong festival pero ang ganda kasi na merong venue para mag-usap at makapagpalitan ng listahan. Hindi puwedeng itanggi na maraming ginto sa mga ganitong kalakaran. Hindi na rin naman masama na maraming umusbong: unang Sinag Maynila, ‘yong unang beses na nagkaroon ng line-up ng local film sa World Premieres Film Festival, ‘yong ikatlong taon ng QCinema (na may pabaon na catchy na teaser kasama si Benjamin Alves na nagre-raise the roof at ang diva halakhak ni Annicka Dolonius), ika-11 na Cinema One Originals, ang malamang kesa hindi na huling taon ng MMFF New Wave (bilang bago na ang pangulo sa 2016) at iba pa. ‘Yon nga lang, hindi nito magawang kasing bukas ang audience sa diskurso dahil wala itong bersyon ng CCP. May panandaliang pagkikita sa Robinsons Galleria para sa QCinema, halimbawa, pero hanggang doon na lang ito. 

Wala namang bago sa sampung pelikula na para sa akin ay nagsilbing glow-in-the-dark sa kalamlaman. Most likely ay kamukha na rin ito ng nasa listahan ng iba. Pero dahil gusto ko na ring pagalawin itong blog, heto:

1. Imbisibol (Lawrence Fajardo). Pinakamalaking naiambag siguro ng pagkagusto ko sa pelikula ay ‘yong fact na halos buong 2014 at unang quarter ko ng 2015 ay ginugol sa Japan para sa onsite assignment. Malaking bagay na marami akong nakasalubong doong Pinoy na nakikipagsabayan sa sayaw mula sa tugtog ng isang First World country. Isa sa mga nakilala ko roon sa loob ng isa o dalawang minuto ay walang ipinagkaiba sa mga karakter sa pelikula na nabubuhay nang patago. Ilang bloke rin mula sa opisina sa Nagoya ay ang red light district ng Sakae. Sa tuwing nagkakaroon ng craving sa Pinoy food, walang ibang magawa kundi sugurin ang baha ng nag-uumapaw na “entertainer” habang sinesegundahan ng mga manong na magbibitiw ng “Philippine bar! Philippine bar!” upang makarating sa isang restaurant na nagluluto ng adobo at leche flan. Noong nakita ko sa screen ang mga buhay na karakter sa “Imbisibol”, alam kong nakita ko na sila kung saan man. Pamilyar. Lalong lalo na ‘yong lungkot na kasabay nilang naglalakad sa panahon ng winter. Kung kaya lang talagang itago sa snow ang kanilang pasanin sa buhay at hindi ‘yong sisinghap-singhap na maghahanap ng butas na parang daga. Maliban d’yan, tingin ko, maaga ang maturity ng direktor na si Lawrence Fajardo. Nakita ko ‘yong kontrol n’ya sa materyal at ang disiplina ng camera work mula sa stagnant na mga shot hanggang sa dynamic na pagtalon upang makarating sa punto nito.

2. Mula sa Kung Ano ang Noon (Lav Diaz). Siyempre kailangan kong sabihin ang caveat na ngayong 2015 ko lang ito napanood sa hindi maipaliwanag na pagkakabuhol-buhol ng schedule. Pero tingin ko, sulit naman ang matagal na paghihintay. Ang una kong napansin matapos ang limang oras na running time, tumitibok na ang puso noong main character sa pelikula na isang maliit na community kahit na wala itong konsepto ng politics. Walang barangay tanod. Walang barangay captain. At parang wala ring mayor na bumibisita. Sabi ko, flaw ito bilang mabilis maramdaman ang local government officers sa mga probinsya. Pero nagkaroon lang ng punto ang lahat ng makita na natin ang kinahinatnan ng community matapos itong magkaroon ng mananakop. At dito bumukal ang pagmumuni. Puwedeng hindi ito tungkol lang sa Martial Law. Puwedeng tungkol ito sa pangkalahatang paggamit ng kapangyarihan sa abusadong pamamaraan, na ang ganitong ambisyon ay nakakasira at nakamamatay.

3. Honor Thy Father (Erik Matti). Tingin ko, burat na burat si Erik Matti sa mga naglipana nating poverty porn na madalas ay nagkakaroon pa ng spot sa world cinema. Kadalasan kasi na basta tungkol sa kahirapan, para lang maipakita ang sitwasyon at makasungkit ng malasakit, kinakailangang masukol ang bida na walang magawa kundi lumuhod, tumungo at hintayin ang pagputol sa ulo. Dito sa pelikula, inabandona n’ya ang suspense factor ng “OTJ” at piniling bagtasin ang slow burn na assessment sa kahirapan. Hindi ko naman nakita na disadvantage kung dragging s’ya pero ibang usapan na ‘yan. Ang nakita ko, palaban ang protagonist (John Lloyd Cruz sa kanyang pinakaimportanteng role) dito. Meron s’yang pagsuko sa sistema, sa struggle na kailangang kumita sa Pilipinas at sa nag-uumapaw na fanaticism sa relihiyon. Wala s’yang relihiyon, sa totoo lang. Kumbaga, pamilya lang ang kanyang sinasamba at pinoprotektahan. May mga suhestiyon din na para sa kanyang asawa at anak, kailangan n’yang talikuran ang kanyang nakaraan, ang kanyang sarili. Kung hindi pa man ‘yan sapat na pagsasalarawan ng debosyon, hindi ko na alam. At bago natin kalimutan, ang MMFF, kung saan kasali ang pelikula, ay inaasahang manganak ng mga obra na supposedly ay para sa pamilya o sa pagpapatibay ng mga values para sa pamilya. Sa kabilang banda, epitome rin ng pagkabayani ang protagonist bilang hindi nga ito basta nagpayurak. Sa halip, gumawa s’ya ng kanyang tirador upang labanan ang mga Goliath sa paligid.

4. Ari (Carlo Enciso Catu). Kahit na tungkol sa poetry ang pelikula, ang gusto nitong isigaw talaga ay tungkol sa kalagayan ng art appreciation sa bansa. Ito rin ang mahalagang statement na isa sa mga tinalakay ng “Portrait of the Artist as Filipino” ni Nick Joaquin. Sa isang argumento ng senador na si Don Perico, hindi raw simple ang buhay katulad ng sining. Kinokonsensya s’ya umano ng magkapatid na matandang dalaga na sina Candida at Paula dahil dating manunula ang senador. Ano raw ang nangyari at bakit nawala ito? May ganito ring pangongonsensya ang pelikula. Sabi ng haring poeta (sa isang raw performance mula kay Francisco Quinto) sa unang bahagi, hindi raw mag-uumpisa ang palabas hanggang wala s’ya. Pero ipinakita na halos idinagdag na lang ang parangal sa kanya dahil kailangan nang umalis ang guest speaker na mayor na malaki ang donation sa paaralan (suhestiyon ng isang imahe na inihatid ito sa van habang ginagawa ang building sa likuran). Nasa ganitong litanya ang mga sumunod pang mga statement scene: nabubuhay ang artist sa piling ng kanyang asawa at mga manok, wala itong marangyang bahay o gamit, ni wala itong sasakyan upang makarating sa bayan, ang kanyang obra ay hindi na katanggap-tanggap sa kabataan/daloy ng panahon at higit sa lahat, sa kabila ng kapayakan at nalulugmok na sitwasyon sa mga paningin ng mga manonood, hindi ipinakitang hindi kuntento ang artist. S’ya ay ganap na.  

5. Apocalypse Child (Mario Cornejo). Klaro naman sa pelikula na ang surfing dito eh hindi main ingredient kundi projection ng kung sino sa mga karakter ang pinakamahusay magbalanse sa alon ng buhay. Ang instructor (Sid Lucero) ba na hindi iniiwan ang dagat at patuloy na nakikibaka? Ang kanyang ina (Ana Abad Santos) ba na matagal nang iniwanan ang dagat pero markado ang husay nito bilang dating sikat na surfer? Ang isa bang dating surfer (RK Bagatsing) na piniling tumawid sa bakod ng politics bilang pagtatakip sa katotohanan na wala s’yang masyadong talent sa pagsakay sa alon? Ang dalawang bagong student ba (Annicka Dolonius at Gwen Zamora) na magkaibang lesson ang natutunan mula sa instructor? Ang lahat ng iyan ay pinagbuklod ng alon upang mabuo ang tagni-tagning kwento ng mga tao sa isang coastal town sa Norte. Madali lang maabot ang kanilang drama sa buhay at deliberate na light lang at natural ang kanilang batuhan ng linya.

6. Ruined Heart (Khavn dela Cruz). Ang huling impression na puwedeng ipabaon ng pelikula ay ang catchy na theme song nito na si Khavn mismo ang lumikha kasama si Bing Austria at The Flippin’ Soul Stompers. May mga claims na ang filmmaker ng pelikula ay mas mahusay na musical scorer kesa bilang filmmaker pero pinatunayan ng Ruined Heart na hindi ito totoo. Visual ang film para sa akin. Experimental din ito sa aspeto na tinanggal ang speaking lines at itinambak lahat sa pagkakadugtong ng imahe upang makapagkwento ng isang palasak nang kuwento tungkol sa isang puta at sa isang kriminal. Puwedeng i-contest na napanood na natin ang mga ganitong conflict at character-based na materyal pero ‘yon yata talaga ang punto. Gagapang at makakatayo ang pelikula kahit bawasan mo ito ng isang layer. Medyo iisa ang gustong gawin ni Khavn at ni Remton Zuasola sa Swap pero mas payak at kontrolado lang ang storyline dito.

7. Waves (Don Gerardo Frasco). Madaling ma-hypnotize sa beat ng editing nitong pelikula. Ang isang eksena, to be specific, ay parang kasing bilis lang ng pagdating ng alon sa pampang at pagbalik nito sa dagat. Sa puso ng interracial love story sa pagitan ng dalawang karakter (Baron Geisler at Ilona Struzik) ay isang millennial na molde. Impulsive. At walang prusisyon ng mahabang ligawan. Ang pag-ibig, kamukha ng argumento ng pelikulang “Kinsey” na tungkol sa isang sex therapist, ay hindi kailanman kayang i-articulate kamukha ng oras kung kelan ang high tide o low tide sa dagat. Sa kabila nito, wala namang nagsasabi na hindi puwedeng namnamin ang mga sandaling merong kahawak-kamay o kayakap. Seizing the moment, sabi nga. Pinasilip tayo sa buhay ng couple habang ito ay magkasama sa isang resort na parang paulit-ulit na nagpapalipas ng oras. Light lang ang treatment sa mga eksena kahit na merong mabigat na iniinda. Hindi rin cluttered ang pelikula ng kung anu-anong supporting character maliban sa resort owner (Pilar Pilapil). Sa kabila ng mga naglipanang rom-com at hugot films, isa itong sariwang hangin. Lumabas ako ng sinehan na para ring panandaliang pumunta sa tabing-dagat at nakipaglaro sa alon.

8. Heneral Luna (Jerrold Tarog). Ang malungkot sa pelikula, maliban sa punto nito na ang kalaban dapat natin ay ang ating sarili, ay ang naging epekto sa ilan na maging sukatan ng pananampalataya sa kaalaman ng Kolonyalismo. Parang kapag pinuri mo ang pelikula, hihilahin ka ng ilang kritiko paibaba na wala ka talagang alam sa sarili mong kasaysayan, na ang US ay hirangin dapat na isang madilim na ulap. Hindi ko lolokohin ang sarili ko na nakuha ako ng pelikula, partikular doon sa mga eksenang nagkakaroon ng sigalot hindi sa war zone kundi sa isang mahabang lamesa sa loob ng isang kuwarto na napapaligiran ng kapwa Pilipino. Maganda ang powerplay roon. Given na masyado pero bitter pill na tanggapin na nananatiling relevant ang ating hilahan ng sariling salawal. Mukhang tama ang isang French historian noong turn of the century na hindi raw natin kayang pamunuan ang sarili nating bansa. Na baka kinakailangan natin ng isang external entity para pamahalaan tayo. Kung merong isang maliit na butil na kakapulutan ng aral ang ‘sangkatutak na sumugod sa sinehan at nanood, tingin ko ay nagawa na ng pelikula ang pagkabayaning nais nitong iparamdam.

9. Dayang Asu (Bor Ocampo). Nag-uumapaw ang presensya ng regional cinema sa buong 2015 nang paigtingin lalo ang pagiging bukas ng mga local film festival kamukha ng Cinema One Originals sa mga kwentong hindi Tagalog o Manilenyo ang sensibilidad. Tinalakay ng Kapampangan film na ito ang malungkot na cycle ng kasamaan sa arena ng Philippine politics na nakalatag sa backdrop ng isang siyudad na tanggap ang pagkain ng karne ng aso. Kita ko ang sensibilidad ni Bing Lao sa mga karakter o maging sa turn of events. Hindi ito madaldal. Hindi nito ipinapaliwanag kung anong meron at kung para saan ito. Subtle ang paglalahad tungkol sa “pagkain” natin sa ating kapwa at tungkol sa mga bagay na idinidikta ng ating sariling dugo. Sa isang imahe, halimbawa, ipinakitang kinain din ng aso ang nilutong karne ng aso. At importanteng humihinga, nalilibugan at tumatawa ang mga tauhan, na ang masamang tirador ng mayor ay isang mabuting ama sa kanyang dalawang anak. Maaaring tanggapin ang pelikula sa maraming paraan. Puwedeng salamin ito sa abusadong gobyerno. Puwede rin namang tingnan ito bilang isang crime action-drama dahil pinakita naman na madali itong maabot. Pero gusto ko na tingnan ito bilang babala sa walang katapusang pagsugpo sa kasamaan, kamukha ng nililok na imahe ng aso na nakasakay sa isang buwaya.

10. Water Lemon (Lem Lorca). Kung ang “Imbisibol” ay tila antidote sa migration, ang pelikula namang ito ang thesis sa mga nais tumakas sa bayan. Sa gitna ng mga konek-konek na kwento ay isang Aspergian (Jun-Jun Quintana sa isa na namang surpresang pagganap) na walang makuhang pagtanggap dahil sa kanyang kalagayan. Maaaring mas matalino s’ya sa bayan o maaaring hindi n’ya kayang gampanan ang demand ng pagiging anak sa kanyang ina (Tessie Tomas) na hindi “makaalis” dahil sa hinagpis ng pagkawala ng asawa. Si Maritess (Alessandra de Rossi) ay may sarili ring ambisyon na makalabas ng bayan dahil may isyu ito sa sariling ina. Sa isang parte ay naalala ko ang kanyang dilemma sa "Mga Munting Tinig” na ginawa rin sa Quezon. Tungkol ito sa isang guro na naghihintay pakinggan ng kanyang ina. Ang nag-iisang karakter na wala namang planong umalis, si Lolo Ume (Lou Veloso), ay aksidenteng binawian ng buhay. Kung susumahin, isang hugis din nga naman ng pag-alis sa bayan ang kamatayan. At nakakalungkot itong isipin lalo na para sa isang katulad ko na lumaki at nagkamalay rin sa probinsya. Hindi perpekto ang pelikula pero mas marami naman itong inilatag para pag-isipan. Sa isang eksena, halimbawa, tahasang ipinakita ang pagsupsop sa kinakain na parang wala ka nang magagawa sa kalagayan mo kundi i-suck up ito.

***

Marami pa sana akong gustong isama. Natawa ako sa beat ng “Miss Bulalacao” (Ara Chawdhury) pero hindi ito matagal nanahan sa akin. Ewan ko ba sa mga Cebuano filmmakers at iisa yata ang aming kiliti. “An Kubo sa Kawayanan” (Alvin Yapan) ay maayos naman base sa mga hinihingi nitong poesiya pero siguro ay walang nasungkit sa akin. Tingin ko eh revolutionary ang “Manang Biring” (Carl Papa) bilang nagbukas ito ng maraming pinto para sa mga filmmaker at animator pero hindi ako masyadong nakuha ng script nito. Gusto ko rin ang articulation ng rom-com sa “#Walang Forever” (Dan Villegas) na binabasa nito ang genre na parang thesis at nang may magnifying glass sa kabilang kamay. Sa totoo lang, wala naman talagang forever dahil mortally eh paghihiwalayin ng kamatayan. Puwede ring bigyan ng Star Cinema Done Great award ang “All You Need is Pag-ibig” (Antoinette Jadaone) at “Ex with Benefits” (Gino M. Santos). Hindi na masama kung ganito kababaw basta nagawa naman nang may mataas na pagtingin sa teknikal na aspeto. May teaser din ang Star Cinema sa “A Second Chance” (Cathy Garcia-Molina) at “The Break-up Playlist” (Dan Villegas) na kaya nitong gumawa ng pelikula na hindi sobrang Star Cinematic. Parehong hindi perfect pero gusto ko ang direksyon na maaari nitong puntahan. At mukhang game naman ang audience dahil parehong kumita nang malaki. Gusto ko ring idagdag ang achievement sa costume design ni Joel Bilbao para sa “Felix Manalo” (Joel Lamangan) at “Dahling Nick” (Sari Dalena) dahil baka walang makapansin sa kanyang kontribusyon. Admittedly rin, gusto ko ang vision sa "Kapatiran" (Pepe Diokno) at "Anino sa Likod ng Buwan" (Jun Lana). 'Yon nga lang, may pakiramdam ako na natabunan ng direksyon ang kabuuhan ng pelikula mismo. Isang teaser ito mula sa dalawang direktor kapag sila ay ganap nang auteur.

***

P.S. Gumawa rin pala ako ng listahan ng tingin ko ay Top 10 Pinoy Films ng mga hipster:

1. Balikbayan # 1 Memories of Underdevelopment Redux III (Kidlat Tahimik)
2. Sleepless (Prime Cruz)
3. Manang Biring (Carl Papa)
4. Audio Perpetua (Ivy Baldoza)
5. Kapatiran (Pepe Diokno)
6. Anino sa Likod ng Buwan (Jun Lana)
7. An Kubo sa Kawayanan (Alvin Yapan)
8. Miss Bulalacao (Ara Chawdhury)
9. Waves (Don Gerardo Frasco)
10. Mga Rebeldeng May Kaso (Raymond Red)

I-copy/paste lang ang listahan na ‘yan at instant hipster na. Ang punto ko: wala naman masyado.

Saturday, October 03, 2015

Kiliting Bakya

Chuva Choo Choo, the Musical

Produksyon: Stages
Libretto at Direksyon: George de Jesus III
Musika: Vehnee Saturno (na may karagdagang titik mula kina Doris Saturno at Tito Cayamanda)
Mga Nagsiganap: Joanna Ampil, Morrissette, Ross Pesigan, Edward Benosa, Jojo Riguerra, Via Antonio, Juliene Mendoza, Ron Alfonso at Jay Marquez

Isang linggo matapos mapanood ang Chuva Choo Choo, the Musical kasabay ng isang packed na audience sa bagong bukas na blackbox na theater na Powermac Center - Spotlight sa Circuit sa Makati, hindi ko po rin mapagpasyahan kung ano ang nararapat na adjective para rito. Nagtatalo ang isip ko kung ito ba ay jologs, masa, baduy o bakya. Hindi siguro jologs dahil mother fucker ito ng jejemon. Puwede sigurong masa pero masyadong politically correct at parang iba ang connotation. Baduy, parang masyadong 70’s ang vibe at parang mga sosyal lang ang nagsasabi nito, hindi mula sa mga kasamahan n’ya sa “ibaba”. Bakya siguro ang mas angkop. Puwedeng sabihin ng nasa itaas at puwede ring sabihin ng nasa ibaba (at gitna).

Aminin na natin, hindi sosyal ang mga awit na nilikha ni Vehnee Saturno na nagpasikat sa hindi na mabilang na singer sa bansa (mula kay Sarah Geronimo at Jay-R, hanggang kay Randy Santiago at Ariel Rivera). Bakya crowd ang una at huling target market nito kasehodang ingles-inglesan pa ang lyrics. Ganito rin naman ang mga awit nina Rey Valera at George Canseco noon. ‘Yon nga lang, wala pang masyadong hugot ang pagiging hindi mayaman noon kumpara ngayon. Halimbawa, kahit sa public school ka nag-aaral, mataas pa rin ang kalidad ng edukasyon at kayang makipagsabayan sa private. Ang state of the nation na naabutan ni Vehnee Saturno ay nag-uumpisa nang mag-deteriorate sa kung anuman ang meron tayo ngayon. Ang mga awit n’ya ang opium noong panahong in denial pa tayo sa kung ano ang kasasadlakan ng bansa kahit nangangamoy na ang pagkalugmok.

At biglang merong isang musical na magpapaalala sa atin ng experience ng “in denial” stage na ‘yan. Sustained ang kabakyaan level ng Chuva Choo Choo, the Musical mula sa unang kantang inawit (medley ng “Isang Lahi” at “Mr. Kupido”) na malakas magpahagip ng atmosphere ng mga singing contest noong 80’s. Kung hindi ako nagkakamali, “Isang Lahi” ang winning piece ni Regine Velasquez sa Bagong Kampeon noon. At hindi ito humupa. Ina-absorb mo pa lang, halimbawa, ang pinagdugtong na “Makapiling Ka Sana” at “Nag-iisang Ikaw” ni Louie Heredia, heto at paparating na ang “Sana Kahit Minsan” ni Ariel Rivera (na kahit s’ya mismo ay hindi alam ang dahilan kung bakit shirtless s’ya sa cover ng unang album). Hindi ko na sasabihin pa na kasali rin ang mga awit nina Jessa Zaragoza at Jaya.

Kung meron mang isang nawawala, ito ‘yong “Kahit Konting Awa” ni Nora Aunor para sa “The Flor Contemplacion Story” na alam nating tungkol sa isang OFW na binitay dahil sa akusasyong pagpatay sa kapwa n’ya DH sa Singapore. Hindi ko alam kung saan ito puwedeng isingit. O relevant ba itong isingit sa isang premise na wala namang planong maging seryoso. Ang mga bidang sina Dina (Joanna Ampil) at Darla (Morrssette) ay mag-ate na kinailangang magpanggap na gay bar impersonators bilang pagtakas sa pahapyaw na pagkakasaksi sa isang krimen. Light lang (o sa eksaktong salita ni George de Jesus mismo, “gaguhan”) ang treatment sa buong adventure ng magkapatid kasama ang kinakapatid na si Nenita (Ross Pesigan). Wala itong planong magpakalalim o magpaka-socially relevant. Ni hindi nito nagawang mag-umpisa ng diskurso tungkol sa mga ills ng society, isang dakilang escapist na palabas na wala kang ibang gagawin kundi umupo, manood at palipasin ang weekend na parang wala nang Lunes. Kung puwede nga lang i-require ng Stages na pumunta ang manonood sa kanilang pinaka-tambay o pambahay na OOTD, ginawa na ito.

At lahat ginawa ni George de Jesus na ma-sustain ang gaguhan sa musical. Gamit na gamit ang pagka-Brechtian dito bilang pag-amin ng limitasyon ng buong produksyon (ni wala ito sa kalahati ng pagkagarbo ng ilang lokal na musical). Ang mga lalaking nakasandong itim na tagaayos ng set ay lumalabas din minsan bilang macho dancer at kung anu-ano pa. Natutulog din sila minsan sa kabinet (na bahagi ng malaking arko ng stage design ni Tuxqs Rutaquio) kung saan kinukuha ng cast ang ilang props. At hindi lang limitado sa stage design ang pagbali sa tinatawag na fourth wall. Sa isang pagkakataon, pinansin ni Darla ang areglo ng isang kanta. “Wow, guitars!” Pero kahit na nasa ganitong deliberate na focus ang dula, hindi naman ito nagkulang sa ilang bagay lalo na sa script. Sa isang banda, may maliit na anggulo ito ng Frozen ng Disney (isa pa ring pop culture reference) tungkol sa mag-ate rin na nanlamig sa isa’t isa. Bahagi ng pagyeyelo ng puso ni Dina ang pagdududa sa loyalty ng dating kasintahan na si Tonton (Jojo Riguerra). Ito ring pagdududa na ito ang tuluyang nawala nang marinig ng mga bida ang isang putok ng baril. Maging ‘yong impersonation ay may gustong i-suggest tungkol sa therapy na kailangang pagdaanan ng isang taong nawawala ang pagkatao dahil sa heartbreak. Si Zsazsa (Juliene Mendoza) na may sariling pasan na daigdig sa pagpapaaral sa kapatid na si Zandro (Edward Benosa) ay nagiging “tao” lang sa apat na kanto ng kanyang mina-manage na gay bar.

Masayang mapanood si Joanna Ampil sa isang Wenn Deramas na karakter. Maraming pagkakataon na ang kanyang peg ay ang ilang karakter noon ni Maricel Soriano sa Regal. Minsan ay meron pa rin akong disbelief. Heto ang aking Fantine (sa Les Miserables na napanood ko noong 2015) na bumaba mula langit at punung puno ng wit na gawin ang isang karakter na bumebenta sa panlasa ng nakakaraming Pinoy. Kasama ni Morissette, kailangan lang sigurong pakintabin pa ‘yong baklang karakter nila sa paraang hindi nag-uumapaw o mukhang binabakla lang. Pero sinong magrereklamo sa lahat ng kanilang song number? Ang blending, ang bigayan ng high notes, ang enthusiasm na awitin ang mga awit ni Vehnee Saturno. Gusto ko rin ang kalmadong ilog dito ni Juliene Mendoza (na hindi rin ako makapaniwala minsan na ito ang Romeo na napanood ko sa Romeo at Juliet nila ni Harlene Bautista sa Metropolitan Theater noong late 90’s). Pinapanatili n’yang grounded ang dula. Naka-deliver din si Edward Benosa sa lahat ng hinihinging requirement ng dula sa kanya. Makulit ang mga dance number ni Ross Pesigan at pleaser ang kanyang pagka-flesh out sa karakter. Iniisip ko paminsan-minsan na para sigurong Nar Cabico o Ricci Chan ang hinihinging peg pero binigyan naman n’ya ng sariling dimension si Nenita. Kailangang trabahuhin pa ni Jojo Riguerra ang timing sa comedy at kailangang mapawi n’ya ang pagkakaba ko kapag masyadong mataas ang kanta kahit naitawid naman n’ya lahat. Kamukha ng ibang nanood noong gabing ‘yon, aliw na aliw rin ako sa pitong karakter ni Via Antonio. Ang kanyang solo number na “Dadaanin Ko Na Lang sa Kanta” (na pinasikat ng kiddie group na14K) ay sulit na upang upuan ang iba pa n’yang incarnation (paborito ko ‘yong tomboy na buma-bounce kapag inaasar ang isang impersonator). Kahit na sahog lang sina Ron Alfonso at Jay Marquez dito, nagawa naman nilang maka-contribute sa pagka-solid ng walong bumubuo ng ensemble. Walang koro, walang live band. Walo lang ang kinakailangan na sinahugan ng maayos na blocking upang makarating sa akin ang musika ng isang maestro.

Naalala ko dati ‘yong isang Christmas Party presentation naming mga newbie sa isang multi-national na IT company. Kinuha namin ang plot ng Meteor Garden at ginawang musical gamit ang mga usong kanta noon. Minsan, for the sake na meron lang makanta kahit walang context. Halimbawa, nagutom ang magkakaibigan sa skit at bilang maghahanap ng spaghetti. Dito biglang papasok ang sikat na spaghetti dance ng Sexbomb Dancers noon. Bumenta ang pedestrian humor namin sa crowd ng mga IT consultant. May ganitong pagkakuwela ang kiliting gustong ilatag ng Chuva Choo Choo, the Musical. Sa isang eksena, naalala ni Dina ang kanyang namayapang ama. Umalis s’ya sa kanyang spot at sinalubong ang isang matanda na nagbibihis ng barong na pamburol. Tinulungan ito ni Dina na maikabit ang lahat ng butones. At rumagasa s’ya sa kantang “’Til My Heartaches End” ni Ella Mae Saison nang walang kaabog-abog. Walang busina at hindi s’ya prumeno. Nasa ganitong vision ng pagkabakya ang musical. Huhusgahan ka kung gustung gusto, gusto lang o hindi talaga ang mga awit ni Vehnee Saturno.

Sunday, August 02, 2015

Ilang Bagay na Naiuwi Ko Hanggang sa Pagtulog Matapos ang The Music of Rey Valera


Full house ang The Theater at Solaire kagabi sa tribute concert para kay Rey Valera. Sabi ni Maestro Gerard Salonga (konduktor ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra), 12 araw bago ang palabas, sold-out na raw ito at iniisip nila kung paano magkaroon ng repeat. Nagpasalamat s’ya sa mga patron ng orchestral music na pumuno ng venue. Kumportable naman ako sa crowd. Hindi ako na-intimidate. Parang from all walks of life ang demographic. May mukhang doktor. May mukhang lumuwas pa mula probinsya. May naka-suit. At may ilang madalas kong makita sa mga theater event. Pero maliban sa tao (na madalas kesa hindi ay subject ng mga awit ni Mr. Valera), heto pa ang ilang bagay na naiuwi ko hanggang sa pagtulog:

1. Masarap talagang awitin ang Lupang Hinirang kapag merong live na orchestral music. At doon ko lang napansin na ang mga cellist pala ay hindi kailangang tumayo bilang pagpupugay. Art muna, bago ang bayan;

2. Mukhang napag-aralan ang acoustics ng venue. Ang ticket ko, halimbawa, ay nasa ikatlong row pero hindi ito ang pinakamahal. Siguro ay mas optimized ang listening experience kung medyo nasa may gitna. Hindi ko matandaan na ganito ang Tanghalang Nicanor Abelardo sa CCP at Meralco Theater pero baka naman mali ako;

3. Walang binebentang program pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay madali ko namang nai-associate ang mga kanta. Maliban sa tatlong number: Don’t Let Your Woman Cry at Hello na parehong kinanta ni Edgar Allan Guzman at Manghuhula ni Tippy Dos Santos. Respeto kay EA dahil lesser known songs ang kinanta n’ya at kay Ms. Dos Santos dahil sa karagdagang choreography sa number n’ya na swing ang areglo. Sampung Pogi Points naman sa direktor ng palabas (kung sino man s’ya bilang wala ngang program), na habang kinakanta ni EA ang linyang “Hello” sa pagtatapos ng kanta ay s’ya namang pasok ni Ms. Dos Santos sa stage. Sinundan agad ito ng isang duet version ng “Naaalala Ka” (na fresh at maganda rin ng areglo);

4. Ang pinaka-surpresa siguro sa gabing iyon ay ang “operatic novelty” number ni Arman Ferrer (credited by the Maestro as “Antonio Ferrer”), isang tenor (na huli nating nakita sa Mabining Mandirigma ng TP), na kumanta ng “Ayoko Na Sa ‘Yo”. Ang intro ng kanta ay parang ni-recycle na tono mula sa mga bull fight theme sa Spain na sinahugan ng babaeng flamenco dancer bilang “object of desire” ng mang-aawit. Ang drama, tukso ang babae at kunyari ay iniiwasan ito ni Mr. Ferrer. “Sinong tinakot mo, ako ba? Lalake yata ako.” Malinis ang boses, walang pagkurap sa kakaibang areglo ng kanta at pumaibabaw bigla ang versatility ng pagiging musikero ni Mr. Valera;

5. Ang ikalawang surpresa siguro, at least para sa akin, ay ang talent ni Michael Pangilinan. Binigyan s’ya ng acoustic number (Cesar Aguas sa gitara) ng kantang Walang Kapalit. Kung meron man akong runner-up sa 10 Best OPM Songs of All Time kasabay ng Minamahal Kita ni Freddie Aguilar, ito na siguro ‘yon. Malakas ang hugot. Mayaman sa emotion. At ganitong ganito ang ginawa ni Mr. Pangilinan sa kanta. Hugot. Emotional. Naramdaman ko ‘yong bigat. Naramdaman ko ‘yong panunuyo. ”Huwag mo lang ipagkait na ikaw ay aking mahalin.” Manonood na talaga ako ng musical version ng Kanser @ 35 ng Gantimpala bilang s’ya ang gaganap na Crisostomo Ibarra;     

6. Love her or hate her singing style. ‘Yan ang verdict ko sa contribution ni Vina Morales sa OPM. Pero sa gabing iyon, na-appreciate ko ang kanyang Malayo Pa ang Umaga at ang inaasahan ng lahat na Pangako Sa ‘Yo sa maraming bagay. Una, naramdaman ko ‘yong joy n’ya na mabigyan ng pagkakataon na ma-cover ang mga awit ni Rey Valera. Ikalawa, na-capture n’ya ‘yong hinihinging drama ng mga soap opera, isang pruweba na ang mahuhusay na singer ay puwedeng maging mahusay na aktres. At ikatlo, props talaga sa kalibre ng kanyang boses na distinct. Walang pinagkaiba ang kanyang live performance sa kung ano ang na-record;

7. Isa sa dalawang number na orchestral music lang (walang singer) ay ang Kung Tayo’y Magkakalayo. Dalawang cello,  isang piano. Kinilabutan ako. At halos mabasa ang mata ng luha. Nakakalungkot nga ‘yong kanta kahit walang lyrics. Kudos sa areglo ni Gerard Salonga;

8. May dalawang insidente kagabi na may kinalaman sa boobs. Una, si Rico J Puno na galing sa isang operation kung kaya’t may excuse sa mga notang nahihirapan s’yang abutin (at sa tuwing nangyayari ito ay pinapakiusapan n’ya ang mga tao na magpalakpakan). Habang kinakanta ang ikatlong kanta n’ya (Sorry Na, Puwede Ba), umupo s’ya sa harapan ng stage. Sa isang pagkakataon, may dalawang babae sa harapan ang nais magpa-picture. Please note na tuluy-tuloy pa rin ang kanyang pagkanta. Ang isang babae ay mas matanda at ang isa naman ay medyo bata pa. Sa pamamagitan ng body language sa pagitan ni Mr. Puno at ng dalawang babae, mukhang napagkasunduan ang picture taking. Nauna ang mas matanda. Sabi ni Mr. Puno: “Akala ko naman, ‘yong bata ang magpapa-picture”. Umugong ang tawanan. Siguro dahil napilitan ang mas bata, nagpa-picture na rin ito. At siniguro ng OPM icon na nakatingin ito sa suso ng babae at hindi sa camera mismo. Nag-comment pa ito, bagama’t pabulong, ng “Ang laki.” Ang ikalawang boob incident naman ay kasama si Megastar Sharon Cuneta. Matapos kantahin ang Mr. DJ ay naghanap s’ya ng doctor sa audience. Noong una, akala ko eh merong emergency na nangyayari sa backstage. May isang doktor, babae, ang tumayo at pumunta sa stage. Inalalayan ni Mega ang doktor papunta sa backstage. Kita ko mula sa kinauupuan ko na parang nagtago si Mega sa isa sa malalaking kurtina. Wika n’ya gamit ang mic, “Not you, Martin (Nievera). Stay away fro me. Ngayon, doc, please put your hand inside my bra. Pakikapa ho kung totoo. Are they real?” Sumagot ang doktor, “Yes, they are real.” Halos mahulog ako sa inuupuan ko. Kunsabagay, it takes a Megastar to do anything you want to do onstage. Matagal-tagal ko ring inisip kung anong subtext ng totoong suso sa mga kanta ni Mr. Valera. Siguro, kung utong lang ang OPM, tayong tayo ito;

9. Wala naman akong nakitang flaw sa mga rendition ni Martin Nievera maliban siguro sa isang linya na na-miss n’ya ang lyrics. Pero wala rin akong makita na sobrang outstanding ito. Sigurado akong nakita ko na dati ang kanyang greatest performances. Madali lang itong i-assess. Hindi talaga s’ya kumportable sa mga kantang tagala ang pananagalog. Pero sure he did his best;

10. Balik tayo kay Mega, ang huling performer ng gabi na nararapat lamang dahil sa kanyang affiliation kay Mr. Valera, tatlo rin ang kanyang kinanta. Mr. DJ nga na sobra kong nagustuhan dahil kasama pang “kinanta” nang live ang narration part sa may dulo. “Hello, Mr. DJ. Hi! Puwede ba akong mag-request? Yeah. ‘Yon bang kantang gustung gusto ko. Oo! Thank you.” Vocally, ang number na ‘yan ang pinaka-relax s’ya at mukhang overjoyed. Ang kanyang Kahit Maputi na ang Buhok Ko ay malakas ding maka-throwback pero sa Tayong Dalawa n’ya ako tinamaan kahit na evident ang struggle sa palitan ng totoong boses at falsetto. Was she crying after doing the song? Parang eh. Sabi n’ya, first time daw n’yang ginawa nang live ‘yong kanta dahil mahirap daw ito, not to mention na masakit kantahin bilang theme song ito ng movie nila ni Gabby Concepcion;

11. Ang Sinasamba Kita (lyrics lang si Rey Valera rito, si George Canseco talaga ang kompositor) ni Morissette Amon ay for the books din. Mahusay naman talaga ang batang ‘yan. Naging birit song ‘yong kanta. Hindi ko alam kung paano at saan nanggaling pero basta na lang lumipad nang pagkataas-taas. Well, doon sa tribute para kay Mr. C, scene-stealer din ang kanyang Sometime, Somewhere;

12. Tingin ko, kung susumahin, nag-peak ang magic hour ng OPM sa gabing iyon nang dalawang beses. Ang unang peak ay ang unang number na si Rey Valera mismo ang kumanta (Kumusta Ka). Kakaiba talaga ang humility ng artist na ito. Wala akong nakitang ere sa katawan sa kanyang stage presence. Kung anong nakikita ko sa mga songhits noon eh ganito pa rin. Sana mag-radiate ang kanyang kababaang loob sa mga artista ngayon. Kahit konti. Ang ikalawa ay ang finale song kung saan pinabalik s’ya sa stage, binigyan ng gitara at sumabay kasama ang lahat ng performer sa gabing iyon. Pero bago pumlakda ang unang tunog ng gitara, nagpalitan muna ng mahabang asaran sina Mega, Rey Valera at Rico J Puno (habang nakikitawa naman ang mga bagong mukha ng OPM). At some point, naisip ko na kahit hindi na kumanta ang mga ito. Kahit panoorin ko na lang sila sa kani-kanilang pedestal na kumportableng ninamnam ang anumang kanilang kinalalagyan sa larangan ng musikang Pilipino. Hirit ni Rey Valera, “Itong si Rico, hindi ko alam kung bakit ito tinanggap. Dahil ba gusto n’ya akong parangalan o dahil kailangan ng pambayad sa pinampaospital.” ;

Attempt sa Paglilista ng 10 Greatest OPM Songs of All Time


Heto 'yong katuwaang entry ko sa poll na The 10 Greatest OPM Songs of All Time na pakulo ng Diva Madness:

1. Walang Hanggang Paalam (Joey Ayala)

Pakinggan sa  Youtube

Sa totoo lang, wala namang totoong pag-ibig na namamatay. Maaaring nagkahiwalay o nagkalayo pero bahagi na ito ng sistema. Kumbaga, wala namang nagpapaalam talaga. Hugot song ito kung kailan dinidibdib pa natin ang hiwalayan at hindi tinatratong isang rom-com. Pero sa kakaibang evocation ng kanta sa akin, parati kong iniisip na ang kumanta nito ay nasa isang kilusan, sa bundok (siguro dahil gitara lang ang ginamit), at ang inaalayan ng kanta ay isang kasintahan na piniling mamuhay sa bayan.

2. Nais Ko (Ryan Cayabyab)

Pakinggan sa Youtube

Parati ko itong naririnig sa mga amateur singing contest noong bata ako. Kumbaga, ito ang Rataouille ko. Malakas makapagpabalik ng childhood. At sino naman ang hindi mabilis na makukuha ng kantang ito sa intro pa lang? Sigurado akong wala pa akong narinig na kanta na ganito ang areglo, Pinoy man o hindi. Bonus na lang na ang lyrics nito ay tungkol sa sarili at tungkol sa kalayaan ng sarili na gawin ang kahit anong bagay.

3. Buksan (George Canseco)

Pakinggan sa Youtube

Melodrama ba ang gusto mo? Heto. Narito lahat, nagdurugo mula sa isang pusong namamalimos ng kalinga. Sabihin na nating madrama naman halos lahat ng mga isinulat ni Geoge Canseco pero sa kanta yatang ito nag-peak ang tinatawag na unrequited love. Hindi naman talaga hiningi ng umawit ang buong puso, isang sulok lang nito ang gustong pagtaguan. Eh paano pa kung ang inspirasyon nito ay ang mentally ill na karakter ni Tonton Gutierrez sa “Saan Nagtatago ang Pag-ibig”? Oo, si Val nga. Si Val na walang malay.

4. Minsan (Ely Buendia)

Pakinggan sa Youtube

Marami akong gustong Eraserheads song pero ito ang hindi ko makalimutan. Siguro, noong napakilala sa akin ang kantang ito, na-realize ko na taxing talaga ang college lalo na’t papalit-palit ang care group mo. Hindi kamukha ng high school, steady lang ang barkada mo. Sa college pala, para ka lang lumabas ng shell mo, nakisalumuha ng ibang tao at bumalik din sa loob ng shell na walang emotional investment. Parang gustong ipamukha noong kanta na ang tao ay magbabago at ang mga taong kasama-sama mo ngayon ay baka stranger na sa ibang panahon.

5. Pag-uwi (Louie Ocampo)

Pakinggan sa Youtube

May ilang kanta na ring ginawa si Louie Ocampo tungkol sa mga OFW pero kakaiba ang lyrics na isinulat ni Joey Ayala rito. Mas nasagap ko itong anthem ng isang taong bagama’t may personal na intensyon na maghanap-buhay para sa pamilya, mas nangingibabaw pa rin ang kanyang pangungulila sa bayan. Sa kabilang dako, nakita rin natin ang kakayahan ni Martin Nievera na hilahin ang vocal chord sa ilang falsetto na kailanman ay hindi nakakalunod o nakakaagaw ng atensyon.

6. Huwag Masanay sa Pagmamahal (Jim Paredes)

Pakinggan sa Youtube

Ewan ko pero naging Pambasang Awit na yata ito ng puso kong single. Novelty s’ya bilang sinahugan ng mga madramang palitan ng linya nina Sharon Cuneta at Edu Manzano na nagsa-suggest ng dalawang bagay: (1) domestic violence at (2) mga drama sa AM radio. Siyempre hindi ko agad nakuha noon na posibleng advocacy ito ng woman empowerment (kung kelan hindi pa masyadong uso ang political correctness). Ang alam ko lang, merong isang kanta na handang magbigay ng comfort sa akin kung sakaling hindi na ako naniniwala sa pag-ibig.

7. Dear Paul (Barbie Almalbis)

Pakinggan sa Youtube

Ito ‘yong panahon na ang mga acoustic guitar song ay hindi pa “cover” at nariyan lang upang maglatag ng isang kalmadong dagat sa kabila ng delubyo. Masarap pakinggan tuwing umuulan, may kapiling o wala. ‘Yong tipong kahit isang mainit na kape lang ang karamay, naka-sweatshirt at nakatanaw sa bintanang dinadaluyan ng tubig-ulan.

8. Sa Aking Pag-iisa (Janno Gibbs)

Pakinggan sa Youtube

Marami ring Regine Velasquez song ang hindi puwedeng palampasin kapag OPM ang pinag-uusapan, mula “Promdi” at “Babalik Kang Muli” hanggang “Dadalhin” at “Kailangan Ko’y Ikaw”. Pero sa underrated composition na ito ni Janno Gibbs ako na-hook. Siguro dahil nagbago nang konti ang timpla ng mga ballad ng Asia’s Songbird sa kantang ito, mula sa areglo hanggang sa pagtalon sa kontroladong birit.

9. Habang Atin ang Gabi (Jay Durias)

Pakinggan sa Youtube

Palasak sa R&B sa landscape ng OPM na hindi maiiwasang maiangkas sa Western counterpart nito. Ang beat, ang areglo, ang mga remix, karamihan ay imported ang timpla. Sa chill na theme song na ito mula sa pelikulang “Minsan Pa” ni Jeffrey Jeturian (na ang lyrics ay sinulat mismo ng scriptwriter na si Bing Lao) nagbago ang paningin at pandinig ko.

10. Nakapagtataka (Jim Paredes)

Pakinggan sa Youtube

Karamihan sa mga classmate ko noong high school na kapit-patalim sa relasyon ay hindi nagsasawa sa kantang ito na noon ay ni-remake ni Rachel Alejandro. Moving on song talaga ito, isang therapy kapag hindi na maabot ng ulirat ang hiwa sa puso. Gusto ko ‘yong attempt n’ya na i-articulate ang lahat ng heartache sa kabila ng mga kabiguan. May argument din tungkol sa puso laban sa isip, na ang totoong “picking up the pieces” ay kung kelan nagme-make sense na ang lahat, kung kelan ka umpisang magtaka. “Kung tunay tayong nagmamahalan, ba’t ‘di tayo magkasunduan?”

Saturday, April 04, 2015

Walang Masyadong Mahugot


YOU’RE MY BOSS
Antoinette Jadaone
Star Cinema

Ang problema ko sa pelikula, wala akong masyadong mahugot na irony. Mababaw rin naman ‘yong mga naunang rom-com ni Antoinette Jadaone pero kahit papaano ay merong puwedeng pagtampisawan at namnamin. Halimbawa, ang mga mabibigat na maleta sa “That Thing Called Tadhana” o ‘yong konsepto na walang pinipiling language ang puso sa “English Only, Please”. Dito, merong ilang suggestion tungkol sa pagbo-boss sa isang relasyon (o kung sino ang nagmamando, humihila) pero hindi ganap na naitawid kung ito man ang gusto talagang tumbukin.

Ang mala-“The Devil Wears Prada” ni Toni Gonzaga rito bilang Georgina ay driven ng kanyang career bilang defense mechanism sa isang relasyon na hindi n’ya kayang i-manage. Nakuha ko naman ito. Marami akong kaibigang ganyan na tinatawag nating “nagdadala” ng isang relationship. Ang redeeming value ng pelikula ay nakaasa sa kung paano magpapadala sa isang sitwasyon sa pag-ibig na helpless ka nang kontrolin. Ang dating relasyon (JM de Guzman sa ilang maliit na eksena) ni Georgina, halimbawa, ay mas tumagal sana kung hinayaan n’ya ang sarili na maging isang subordinate. Baka mas malinaw itong nakarating sa akin kung medyo one-sided ang pelikula (ginawa ito sa “That Thing Called Tadhana”) at hindi na sinubukan pang mag-level up ng leading man. Siguro ay dahil Star Cinema ito at requirement ng think tank na dapat ay mabigyan din ng kasing timbang na moment si Coco Martin bilang isang assistant na si Pong (na tingin ko ay lumabis ang effort sa comedy). Lampas kalahati na ng pelikula nang malaman natin kung bakit mababaw lang ang kaligayahan ni Pong at kung bakit malaking bagay sa kanya ang kawalan ng nag-aalaga sa babaeng kanyang minamataan. Halos kasing layo na ng Batanes ang binabiyahe ng running time nang i-require nito sa manonood na tuluyang maintindihan at kampihan din ang pinaghuhugutan ng lalaki sa love team.

May ilang bagay rin naman akong nagustuhan kahit na hindi ko mahilamos ‘yong conflict ng pelikula tungkol sa pagsisinungaling ng identity sa harap ng kliyente (hindi ko alam kung mao-offend ako rito para sa mga Hapon). Nag-work sa akin ‘yong sincerity noong maliliit ngunit brutal na detalye tungkol sa mga ex: ang aksidenteng pagla-like sa bagong karelasyon ng ex, ang seen-zoned na sitwasyon, ang pagpapanggap na ang lahat ay under control na at marami pang iba. Credible ang mga feels dito, parang alam mong ‘sandamakmak na break-up na ang pinagdinaanan ng kung sinumang sumulat nito. At bumawi naman si Coco Martin sa mga eksenang nasa forte n’ya o ‘yong mga eksenang teary eyed s’ya. Salamat naman at hindi n’ya kailangang papatakin ang kanyang mga luha upang maging epektibo sa drama.

Nandito pa rin naman ang ilang boses ni Antoinette Jadaone. Katunayan, sa lahat ng kanyang romantic movie, ang dalawang bida ay nagkakamabutihan kapag magkasamang lumalabas ng Metro Manila (ang dalawang teenager sa “Relaks, It’s Just Pag-ibig” papuntang Leyte, sina Mace at Anthony sa “That Thing Called Tadhana” papuntang Sagada at ang couple sa “English Only, Please” noong papunta silang Cavite). Hindi na masama ang kanyang mga drone shot sa Batanes kahit na tila nanginginig ito sa screen. Ang execution sa dulo hanggang rumolyo ang end credits ay kanyang-kanya at hindi sa Star Cinema. Kumbaga, klaro ang core n’ya kahit kailangan n’yang magpalamon sa sistema. Pero babawiin ko ‘yang mga binanggit ko tungkol kay Miss Jadaone at Star Cinema. Baka dumating ang panahon na kumprontahin n’ya na judgmental ako at hindi naman kami close. Sabihin na lang natin na sa isang sulok ng jampacked na sinehan (base sa monitor sa takilya sa Century City, isang ticket lang ang hindi nabili at nasa harapan pa ito), nakitawa at nakikilig din ako kasabay ng mga manonood.

Sunday, March 29, 2015

Ilang Epiphany sa Sinag Maynila 2015


Parang nagpapahiwatig na merong magaganap na pagsisisi nang hindi agad lumabas ang mga maleta sa NAIA Terminal 2 isang tanghali noong March 20, Biyernes ‘yan. Hindi naman nakakagulat na matagal talagang maganap ang “arrival” sa airport na ‘yon dahil madalas na pinagsasama nila ang mga bagahe ng dalawa o tatlong eroplano sa iisang conveyor belt. Sa kaso ng paglapag ko sa araw na ‘yan, merong galing Osaka, Nagoya at Narita (Tokyo). Tumagal ng mahigit isang oras ang buhos ng mga bagahe. Nagkapalit daw ang bukana na napagdalhan ng luggage na sinelyuhan naman ng anunsyo ng delay para sa “technical reason”. Kung ano man ‘yan, si Lucio Tan lang ang nakakaalam.

Hindi pa riyan natapos ang premonition. Bilang Biyernes yata (madalas na Sabado o Linggo ako dumarating), madalang din ang mga demetrong taxi sa labas. Gutom, pagod, puyat (mula sa isang flight na kailangang mag-set ng alarm na kasing aga ng alas-4 ng umaga). Dinikdik pa ako lalo ng trapik sa pagitan ng Resorts World at NAIA Terminal 3 dahil sa ginagawang kalsada roon. Halos papalubog na ang araw nang baybayin ni manong ang Skyway. Sumuko na lang ang katawan ko sa ganda nito at sa katotohanang nasa Pilipinas na ako ulit habang mahinhing nag-uunahang umusbong ang sakura sa Japan.

Madali lang mag-plot ng schedule sa Sinag Maynila. Limang pelikula lang ang paulit-ulit at papalit-palit na ipinapalabas sa pitong branch ng SM Cinemas (SM Aura ang pinaka-convenient sa akin). At the minimum, isang buong araw lang ang kailangan para ma-marathon lahat ng kalahok (na balita ko ay handpicked daw mula sa pinagsanib na puwersa nina Brillante Mendoza at Wilson Tieng ng Solar Entertainment Corporation). Kung line-up lang ang huhusgahan, walang itulak-kabigin sa mga pangalang Remton Zuasola, Paul Sta. Ana, Zig Dulay, Lawrence Fajardo at Jim Libiran. Lahat sila ay naging kalahok na sa ibang festival at hindi na masyadong donselya sa ganitong kalakaran.

Sa kabuuhan, hindi naman ako masyadong nanghihinayang na pinalampas ko ang taunang pamamayagpag ng cherry blossoms kapalit ang pagkakataon na mapanood ang limang pelikula. Wala akong issue sa programming. Tingin ko, nabigyan lahat ang pelikula ng hinihinging patas na exposure sa kabila ng kawalan ng kapit nito sa malalaking TV station. Marami pa itong kakaining bigas kamukha ng pagkakaroon sana ng film talk sa ilang screening at ang pagbuo ng audience kung saan malaya itong magkikita-kita at magkukumustahan.

Ilang tala (ayon sa pagkakasalinsin ng panonood):
  
Swap (Remton Zuasola) Hindi ako masyadong nakuha ng sophomore attempt n’ya sa feature length (“Soap Opera” para sa Cinema One Originals noong isang taon). Dito sa kanyang ikatlo, parang tuluyang nabasag ang banga bilang maingay ako sa pamamayagpag noon ng kanyang mga short film at unang feature length. Pero sinasabi ko ito na, kamukha ng iba, may panghihinayang at walang bahid ng pagkainis. Given na sigurong pansinin pa na masyadong ambisyoso ang pangarap ni Remton sa “Swap”. Naalala ko ‘yong sinabi dati ni Lars von Trier sa kanyang “Dogville” (2003) tungkol sa pagtanggal ng filter sa isang pelikula at kung paano tatanggapin ng audience ang ganitong eksperimento. Halos nasa isang malaking warehouse lang ang binuong maliit na community ni Lars sa nasabing pelikula. Ang espasyo ng fruit stand, halimbawa, ay tila ginuhitan lang ng chalk at halatang ginamitan ng hindi natural na ilaw ang bawat eksena. Confident ang direktor na makakarating pa rin sa audience ang struggle ng isang babae (Nicole Kidman) kahit na sinasadyang peke ang ginagalawan nitong set. Nasa ganitong vision ang “Swap”. Ang ginamit ay isang location lang din na tila warehouse habang sinusundan ng isang pasada ng camera ang mga kaganapan, flashback man, split screen o dream sequence. Ang tema: tungkol sa isang kidnapping case na ayon sa credits ay base raw sa totoong pangyayari.

Hindi umobra ang pagsasabong ng ambisyosong storytelling device at ang real life drama. Ang una, puwede pang matanggap dahil bibihira ang mga filmmaker na merong ganitong boses. Sa kaso ng “Dogville”, ang tema na tinalakay ni Lars ay madali lang maabot na sa kabila ng dark undertone ng materyal ay merong naghuhumiyaw na suhestiyon na kasing babaw lang ito ng mga plot ng teleserye. Ang kidnapping sa “Swap” ay hindi ganito kabilis maabot. Hindi pa nakatulong na hindi malinaw ang ilang detalye sa kaso ng tatay na ninakawan ng anak bilang pamalit sa anak ng among mayaman. Kung ang subject ay inihulma naman sa kumbensyonal na storytelling, maaari pa sigurong gumana pero baka masyado nang simple ito para kay Remton. Tuluyang gumuho ang pelikula nang hindi nakatulong sa pag-usad ang akting ng ilang prime actors na kasali rito. May ilang continuity issue rin at may ilan naman na halatang naiilang ang execution dahil wala nang pagkakaton na ulitin pa ang take.

Ninja Party (Jim Libiran) Kailangan kong silipin ang coffee table book ng Tanghalang Pilipino upang makasiguro kung kailan ko napanood ang staging nila ng “Lysistrata” na ginanapan ni Irma Adlawan. Ang natatandaan ko lang, ang buong stage ay punung puno ng mga naghuhumindig na phallic symbol bilang patungkol sa tema nito na figuratively ay hawak ng kababaihan ang “sandata” ng kani-kanilang mga asawa. Kung mamarapatin pa, nasa ganitong dominasyon ang magdidikta ng giyera sa nasabing Greek comedy ni Aristophanes.

Sa unang 15 minuto ng “Ninja Party”, malinaw na ipinakita ang apat na highschool girls dito (remarkable performance mula kina Annicka Dolonius, Julz Savard, Elora Espano at Bea Galvez) ang parallelism sa mga karakter ng “Lysistrata”. Ang apat ay may sariling mababaw na supresyon sa isang exclusive school sa kabila ng assurance na kayang kaya nilang imanipula ang bayag ng mga lalaki. Isang drive upang mapaniwala ako na kung kaya nilang ipuhunan ang pagkababae upang mangibabaw sa mga lalaki (casual date sa harap ng convenience store, blowjob sa kotse, pagho-host ng party, atbp.), kaya rin nilang himasin ang inilatag na “giyera” ng school principal na si Odette Khan (na tingin ko ay hindi masyadong nakatulong upang pakapalin ang terror).

Ang una kong impresyon, walang masyadong gustong tumbukin ang pelikula. Bagama’t isang level-up ito mula sa dalawang feature length ni Jim Libiran tungkol sa mga nakaapak (“Tribu”) o nasa ilalim (“Happyland”) ng poverty line at nagawa n’yang kapani-paniwala ang rapport ng mga elitistang bidang babae (na bihirang makita sa Philippine cinema), mistulang mababaw lang ang pinupuntong supresyon dito. Sa katunayan, hindi lang ito mababaw. Hindi rin nila ito kayang pagtagumpayanan (na kabaliktaran ng mga protagonist sa “Lysistrata”). Ang mga magulang din nila mismo ang nagwawalis ng kanilang kalat. Sa parteng ito, gusto kong isipin na statement ito tungkol sa community sa upper class na talagang mababaw lang ang kanilang mga concern sa buhay, na ang kanilang bersyon ng supresyon ay walang kasing selfish, at ang pagtawid dito ay masyadong self-serving at wala nang ibang mas malawak na makikinabang. Hindi ito kamukha ng mga rally sa kalye na maaring magbunsod ng pagsusulat ng bill sa kongreso o magkaroon man lang ng kamalayan sa publiko. Ang napapaligaya lang ng mga bidang babae rito ay ang kanilang libido. Valid man ang observation na ito o hindi, malinaw sa akin ang statement ng direktor.  

Bambanti (Zig Dulay) Ito na siguro ang pinakamadaling maabot sa mga isinulat o idinirehe ni Zig Dulay. Tungkol ito sa Solomonic na pagmamahal ng isang biyuda at mahirap na ina (outstanding perfomance mula kay Alessandra de Rossi) sa kanyang anak. Pinasunod nito ang audience na abangan ang mga kaganapan ng kaso tunkol sa nawawalang relo at ang kahihinatnan ng hustisya at konsensya. Bilang ito ang pinaka-polished na naidirek ni Zig, masasabi kong mas umangat ang kanyang pagiging direktor dito kesa pagiging manunulat. Kung may nakita man akong clever sa materyal dito, ito ‘yong pagbuo ng comparison sa moralidad ng isang pamilyang walang ama at mahirap, at isang pamilyang kumpleto subalit mayaman. Hindi ako magugulat na marami ang magkakagusto sa pelikula dahil madali itong sundan at mahalin sa paraang inaabangan natin ang mga kaganapan ng isang panggabing soap opera. Mas humihinga lang ang mga karakter dito. Sa isang eksena, halimbawa, kung saan tinanong ng mga anak ang illiterate na ina kung anong mas makabuluhan sa pagitan ng “times” at “addition”, gumawa ito ng palusot at sinabing ‘wag abalahin ang kanilang ina kapag nagtatrabaho. Para sa akin, ang performance pa lang dito ni Alessandra de Rossi ay sapat na para masulit ang ibinayad na ticket. Gusto ko rin ang binuong picture tungkol sa community sa malayong probinsya, na ang isang maliit na kaso ng nawawalang relo ay sapat na upang mabulabog ang katahimikan nito at hamunin ang pinagkakaingatang moralidad ng taumbayan, may pera man o wala.  

Balut Country (Paul Sta. Ana) Kamukha ni Zig Dulay, writer din na naging writer/director si Paul Sta. Ana. Hindi na surpresa sa akin na isang magandang “workshop” sa pagsusulat ang finished product ng “Balut Country”. Walang issue sa akin na preditable minsan ang pelikula, ‘wag lang sanang masyadong halata. Sa unang salang pa lang ng nabubuong conflict sa pagitan ng Manileño na si Rocco Nacino at ang katiwalang mawawalan ng bahay at hanapbuhay na si Ronnie Quizon, alam ko na kung saan ako dadalhin at hindi nga ito lumiko. Sagana ang planting dito, mula sa batong tumama sa salamin ng taxi hanggang sa dalawang beses na pagkahulog ng kontrata ng lote. At hindi masyadong nakatulong na ang atake ni Rocco rito ay walang masyadong makapitan, isang malaking contrast na parang ramdam mo ang bigat ng mundo sa atake ni Ronnie. Pero sa kabila ng payak at diretsong storytelling sa pelikula, gusto ko na pilit isiniksik ang proseso sa balut industry. Minsan ay masyado na itong obvious pero katibayan ito ng isa sa mga inaasahan mula sa isang manuulat, ang mag-research. Given na rin ‘yong irony sa pagitan ng pangingitlog ng itik bilang kabuhayan, ang issue ng bidang lalaki tungkol sa girlfriend na buntis na nagbunsod upang ibenta ang lupa at ang itik na nais kumawala sa kanyang shell bilang hudyat ng bagong simula para sa bida na nagkaroon ng direksyon ang buhay.  

Imbisibol (Lawrence Fajardo) Hindi ko napanood ang version ng dula para sa Virgin Labfest pero kahit kaunti ay hindi ko naramdaman sa pelikula ang pinag-ugatan nito. Halimbawa, sa unang eksena na na nagtatalo ang isang maybahay na Pinay na si Linda (Ces Quesada) at ang kanyang asawang hapon, nakatutok lang ang camera sa isang takure na sa dulo ay kumulo. Aninag ang dalawang karakter na nag-uusap sa likod pero nakatutok ang focus sa pagkulo. Maliban sa ilang huling minuto, static lang halos ang camera sa buong kwento ng mga undocumented na OFW sa Japan. Bihirang bihira na magpa-pan ito. Parang gustong ikulong ang mga karakter, gustong ipinid ang kanilang buhay, pag-ibig, pangarap at kabiguan. Sa sandaling naging dynamic ang camera, gusto rin nitong habulin ang nais tumakas at sundan ang bawat paghulagpos na parang daga na walang lunggang mapasukan at mapagtaguan. Dito pa lang sa aspetong binabantayan ng direktor ang kanyang camera work, bilang tagapagtawid din ng kwento, kuhang kuha na ako. Ang mga ganitong klase ng focus ay malamang kesa hindi na hinugot mula sa isang direktor na nasa kanyang trono at may kasiguraduhan sa kanyang vision sa materyal.

Hindi na rin naman bago ang mga play na tumatalakay sa mga OFW. Ang una kong naisip ay ang “Bayan-Bayanan” ni Bienvenido Noriega, Jr. na tungkol din sa mga konek-konek na tauhan. Ang pelikulang “American Adobo” (2001) ni Laurice Guillen ay nasa ganito ring kategorya. Ang iniangat lang ng “Imbisibol” ay hindi mayadong pilit ang pagkakabuhol ng mga tauhan dito. Ang “Mama San” (Ces Quesada) na nagpaparenta ng kuwarto sa mga Pinoy na walang papeles ay walang masyadong koneksyon maliban sa kanyang pagiging landlady. Sa dulo ay nalaman nating kaibigan pala s’ya ng matandang si Benjie (isang mahusay na pagganap mula kay Bernardo Bernardo) na may sariling hinagpis nang ma-deport ang kasintahang si Edward (Ricky Davao). Ang pinaglumaang hosto na si Manuel (Allen Dizon sa isa sa mga hindi malilimutang pagganap) ay namamalimos ng pagtanggap habang ang trabahador na si Rodel (JM de Guzman) ay tahimik na nangangarap ng isang maayos na buhay para sa anak na nasa Pilipinas. May sari-sariling running time (at moment) ang mga tauhan pero hindi ito nagmukhang manipulative, nagmamadali o masyadong nagpapaliwanag. Mas organic ang pagkakalatag sa kanila, dahilan upang madaling maabot ang kanilang mga pinaghuhugutan. Kahit hindi ako OFW, ramdam na ramdam ko ang bigat ng kanilang dinadala sa kabila ng lamig na dulot ng snow (na nagsilbing karakter din mismo sa buong pelikula). Sa kabila ng kalakihan ng hinihingi ng dula (maraming karakter, location shoot sa Hokkaido, Japan, at ang angkop na execution ng mga eksenang tahimik at maaksyon), merong mga mumunting bagay na hindi nito nakalimutan. Humihinga ang mga karakter dito, tumatawa, nagmamahal, nagpapahinga. Sa isang maliit na sequence, halimbawa, makikita ang suhestiyon ng pag-usbong ng pagtitinginan nina Rodel at ang Haponesa sa cafeteria. Makikita rin ang attempt na maghapi-hapi sa isang videoke bar para sa kaarawan ni Edward (kahit na wala ito). Ang isa sa mga Pinay na natulungan ni Linda ay nakuhang magbiro tungkol sa pagkakaroon ng maraming alyas.

Hindi ko alam kung deliberate ang pagkaka-cast ng mga aktor dito na halos lahat ay galing sa teatro mula kay Ces Quesada, Bernardo Bernardo, Ricky Davao hanggang kina Mailes Kanapi, JM de Guzman, Onyl Torres, JC Santos at Fred Lo. Maliban lang kay Allen Dizon na ironically ay nag-iisang merong “stage performance” sa pelikula.

Monday, November 10, 2014

Report Card sa Ikalawang Araw ng Cinema One Originals 2014


Bilang naghahabol ako sa ilang hindi napanood sa QCinema, iisa lang ang naka-plot sa akin na Cinema One Originals film (na napanood ko sana kung alam ko lang na open pala sa public ang pelikula basta’t makapag-register). Dahil sa iniwang espasyo ng schedule, nagawa ko pang maisingit ang “The Trial” ng Star Cinema na palabas pa rin sa SM Megamall. Isang MRT ride lang naman ang katapat upang maibuhol lahat.  

THE LUNCHBOX (Ritesh Batra) Ang pinakagusto kong aspeto ng pelikula ay ‘yong redeeming value n’ya, partikular ‘yong tungkol sa pag-cope ng depresyon na nakukuha natin sa mga taong hindi natin kakilala. Kung tutuusin, medyo trite na ‘yon pero merong distinct na appeal ang local flavor ng India (sana ay marating ko pagdating ng panahon): ang beautiful mess ng lugar, ang amoy ng paligid, ang mouth-watering na mga pagkain at ang koneksyon ng ating bansa bilang isang third-world country. Naka-relate din ako nang konti na ang trabaho ng isang karakter dito ay taga-approve ng expense claim, isang bagay na medyo pamilyar sa mundo na pinagtatrabahuhan ko (lalo na sa tuwing nagkakaroon ng onsite work kamukha ng lumamon sa akin ilang araw bago mag-umpisa ang festival). Gusto ko rin ‘yong pagkaka-establish ng director sa distansya, isang bagay na maaaring magbunsod sa atin sa matinding isolation: ang layo ng pagdadala ng lunchbox mula sa bike hanggang sa train, ang absence ng tiyahin na boses lamang ang naririnig, ang layo ng bahay ng ina ng babaeng karakter at ang pagiging distant ng kanyang asawa, at ang paulit-ulit na pagkakasambit ng mga lugar na malayo. Bonus na lang ang screen presence at mahusay na pagganap ng dalawang pangunahing aktor dito.

P.S. Gusto ko na ring isingit ‘yong lahat ng napanood ko sa araw na ito (habang nasa mood pang magsulat).

THE TRIAL (Chito Roño) Ang impresyon ko matapos mapanood ang pelikula, isa talaga si Chito Roño sa pinakamahusay na mainstream director sa Philippine cinema ngayon. Gamay na gamay n’ya ang kanyang audience pero hindi ito kailanman bumababa nang sagad sa lupa. Ang mga detalye sa pelikula ay malinis, isang bagay na hindi na siguro pagtutuunan ng pansin ng ibang direktor. Na-establish n’ya nang maayos ang koneksyon ng mga karakter at hindi kailanman naging magulo ang kanyang visual (halimbawa, ang pagtingin ng karakter ni Gretchen Barretto sa basurahan upang mag-evoke ng nakaraan at ang malinaw na parallel ng isang trahedya sa kontemporaryong panahon na sinahugan ng clear cut na editing). Ito ay sa kabila ng lahat na mababaw lang ang vision ng materyal. Ito ‘yong klase ng pelikula na mas matatas ang dramatic structure kesa kung ano pa man. Merong sampalan. Merong breakdown scene. Merong maeksenang eksena sa korte (na halos predictable na sa unang bahagi pa lang). At iba pa. Pero on the side, parang alam naman ng direktor ang mga ganitong kahinaan. Sa katunayan, ‘yong Greek chorus ng mga impersonator sa loob ng korte na nakabuo ng commentary ay isang guilty pleasure. O, maging ‘yong ideya na ang mga magulang ni John Lloyd Cruz dito ay isang bading at isang tomboy. Nai-inject ang mga ganitong contrast upang hindi magmukhang manipulative ang buong pelikula at magmistulang pangkaraniwang tearjerker. Unfortunately, nakuha ako ng drama ng pelikula. At nakuha ako nito nang balde-balde.  

ANG ‘DI PAGLIMOT NG MGA ALAALA (Carl Papa) Uunahan ko na hindi ako masyadong fan ng mga experimental film (at alam naman ito ni Carl). Pero gustung gusto ko ang mga personal film na halos hubad na hubad na ang kaluluwa ng filmmaker para makita ng mundo. Ganito ang kaso ng pelikula. Alam ko naman ang ilang bahagi ng kuwento ng filmmaker (at ang kapatid na assistant director na madalas kong kasama sa mga film festival) at ang kanilang struggle sa pagkawala ng kanilang ina. Lutang na lutang ang lahat ng puwede pang mahugot upang tuluyang maka-move on. At mula rito ay marami akong concern. Hindi ba mahirap itong panoorin? Naalala ko dati ang “music video” na libreng ibinigay sa amin ng punerarya noong namatay ang dad ko. At tandang tanda ko na sa tuwing ipinapanood ito sa nanay ko ay naiiyak s’ya (at naiiyak na rin ako) kaya’t naisip ko na hindi siguro advisable na panoorin ito na kasing religious ng panonood ng teleserye. Mas nanaisin ko na nakatago na lang muna s’ya sa kahon. Ikalawa, kung tutuusin, ‘yong pagpili sa video call bilang main chunk ng pelikula ay medyo may pagka-unsentimental. Ang bidang babae, halimbawa, ay hindi kailanman ipinakitang emotional sa buong proseso. At sa pagitan ay may ilang narration na hitik na hitik naman sa sentimentality. Kung paano naitawid sa akin ang kakaibang kombinasyon na ito, hindi ko alam. Ang sigurado lang ako na fascinated ako ay ‘yong immersion na ginawa sa artista upang maging kasali sa buong ordeal ng pamilya. Curious ako sa filmmaking dito, kung meron itong script at kung paano na-execute ang mga eksena na hindi kailanman naging peke. ‘Yon nga lang, nakaka-miss nang todo ang conventional na naratibo ni Carl sa kanyang mga short film.  

IDA (Pawel Pawlikowski) Gusto ko ang small film feel ng pelikula. Tungkol pa rin s’ya sa mga Nazi at mga Jews pero hindi blatant na ito ang gusto n’yang tumbukin. Parang post-mortem at sa kabilang banda ay baka mas mahapdi ang sugat na nais ipasiyasat dito. Isang dalagita ang nakatakdang maging ganap na madre na napilitang balikan ang nakaraan (o ang kawalan nito). Sa kabilang banda, sa aspetong ispiritwal, parang gusto naman nitong sabihin na ang pagyakap sa langit ay nangangailangan muna ng pagyakap sa lupa upang maging buo. Isa itong magandang study at universal ang atake tungkol sa sari-sariling demonyo. Kuhang kuha rin ako ng dalawang artista rito kahit wala silang masyadong sinasabi. Ang caveat ko lang talaga sa pelikula ay masyadong maganda ang mga imahe sa B&W. Nakakaagaw minsan ng atensyon at hindi ko masyadong makonek ang charm na ito sa tema na tinatalakay.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...